NANAWAGAN ang ilang mga grupo sa pangunguna ng Bangon Kalikasan Montalban at Bantay Kalikasan kasama ang ilang mga pari, pastor at iba pang grupo ng simbahan, kabilang ang homeowners’ associations at transport groups laban sa patuloy na pagkakalbo ng Mount Parawagan.
Apektado ang mga barangay ng Burgos, Manggahan, Balite, San Rafael, San Jose at pinakamalawak sa San Isidro na kontrolado umano ng pamilyang Hernandez.
Nagdaos ng kilos protesta kaninang umaga ang iba’t ibang grupo sa Montalban Town Plaza, sa lalawigan ng Rizal, upang kondenahin ang ilegal na pagmimina at quarrying sa nasabing bayan na nakalulusot sa paniniwalang may proteksyon ni Montalban Mayor Ilyong Hernandez at anak na si Vice Mayor Tomtom Hernandez.
Bukod sa mga Hernandez, kanila ding kinondena ang Millex Inc., at Majestic na pag-aari umano ni former Environment secretary Mike Defensor.
“Nakatatakot talaga dahil tanaw lang sa bahay namin ang bundok na ginagawa ang quarrying, kawawa ho kaming mga residente dahil kami ang mapapahamak sakaling magkaroon ng mga sakuna. Halos walong taon na po nasa panganib kaming mga residente ng Montalban kaya panahon na para ipaalam sa kinauukulan,” ani Manny Torres, spokesperson ng nasabing grupo.
Tinutukoy ni Torres ang quarrying na nagaganap sa Mt. Parawagan katabi ang Gloria Vista subdivision at marami pang ibang mga pamayanan sa iba’t ibang barangay na naunang nabanggit.
“Nananawagan ho kami kay Presidente Duterte, DENR Secretary Roy Cimatu at maging kay Governor Ynares na tingnan naman po ang sitwasyon namin dito at ‘wag na tayong maghintay pa ng sakuna bago umaksiyon. Maawa naman po kayo! Buhay at kinabukasan po namin ang nakasalalay dito. Tigilan na ang illegal mining at quarrying dito sa Montalban.”
Ganito rin ang panawagang inihayag nina Fr. Noe Elnar at Atty. Rodolfo Melizza ng Gloria Vista Homeowners’ Association.
(NIÑO ACLAN)