MAGING si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ay hindi na pumapayag na mabinbin pa ang barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) elections sa darating na 14 Mayo 2018.
Ilang beses na nga namang na-delay ito mula noong Oktubre 2016 at Oktubre 2017. Ngayon nga ay marami na ang hindi pumapayag na hindi pa matuloy sa Mayo ang BSK elections.
Marami nga naman ang sawang-sawa na sa mga nakaupong barangay officials sa kanilang lugar.
Talagang nakasasawa na! Lalo na kung walang ginagawang mabuti ang barangay officials para sa kapakanan ng constituents.
Pero ang concern nga ni Tatay Digong, kung ang mga nakaupong barangay officials ngayon ay impluwensiyado at pinopondohan ng mga ‘drug lord’ tiyak na sila rin ang mananalo sa elek-siyon.
Pero, puwede rin naman, magpalit ng ‘tuta’ at magpatakbo ng bagong kandidato ang mga drug lord para hindi sila mahalata. At kung su-sundan ang rason ng Pangulo na popondohan ng mga drug lord ang kanilang mga ‘tutang’ kandidato, tiyak na lulusot pa rin sila at mananalo.
Pero siyempre, diyan papasok ang papel ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Commission on Elections (Comelec).
Kailangan ang nasabing dalawang ahensiya ang manguna para ipaliwanag sa constituents kung sino ang dapat nilang iboto.
Hindi naman sila tahasang mag-i-endoso ng pangalan kundi ipaliliwanag nila kung ano ang mahusay na katangian ng isang kandidato na maglilingkod sa mamamayan lalo na sa mga kabataang botante.
Dapat din mabigyan-diin na dapat magduda sa mga kandidatong galante. Dahil tiyak, lahat ng nagastos ng kandidato babawiin rin nila kapag sila’y nakaupo na.
Para sa kapakanan ng buong komunidad sa partikular, at ng buong bansa sa kabuuan, dapat maging mulat ang mga botante na hindi nila dapat iboto ang mga kandidatong sangkot sa droga — direkta man o suportado ng sindikato.
Huwag pong kalilimutan ‘yan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap