ARESTADO ang dalawang hinihinalang bigtime drug pusher ng mga operatiba ng Quezon City Police District makaraan makompiskahan ng P1.2milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation, kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat kay QCPD director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, kinilala ang mga suspek na sina Samim Mapandi, 29, negosyante, residente sa 3rd floor, 332-C El Pueblo St., Brgy. 630, Sta. Mesa, Maynila, at Junari Basher, 26, residente sa Bagong Barrio, Sta. Mesa, Maynila.
Napag-alaman, nadakip ang dalawa dakong 1:00 am sa kanto ng Quezon Ave., sa pagitan ng Biak Na Bato at Sto. Domingo streets ng nabanggit na lungsod, makaraan bentahan ng 250 gramo ng shabu, tinatayang P1.2 milyon ang halaga, ang isang poseur-buyer.
Narekober ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang isang Toyota Innova (VI 1268) at marked money.
Ayon sa pulisya, bukod sa Quezon City, ang dalawa ay nagbabagsak din ng droga sa Manila at Pasay city.
(ALMAR DANGUILAN)