NAGKITA na sa isang family dinner sina Robin Padilla at Aljur Abrenica at mukhang magkasundo naman silang dalawa, kaya masaya na ngayon si Kylie Padilla dahil ang kanyang live in boyfriend at tatay ng anak niya ay kasundo na rin ng tatay niya.
Nang dumating naman si Aljur doon sa sinasabing “family dinner” hindi naman siya tinawag ni Robin na “gatecrasher” sa kanilang pamilya. Natanggap na rin naman niya si Aljur at mukhang nakalimutan na ang kanyang kondisyon na tatanggapin lamang niya iyon pagkatapos na pakasalan ang kanyang anak.
Sa kaso naman nina Aljur at Kylie, mukhang hindi pa sila sigurado talaga sa kanilang relasyon, kahit na sila ay nag-live in na rin ng ilang taon at may anak na nga.
Kung kami naman ang tatanungin, kung ayaw ba nilang pakasal eh, bahala sila sa buhay nila. Buhay nila iyan eh. Isang pagkakamali rin naman na dahil nabuntis iyong babae, kailangan na silang pakasal. Paano kung hindi sila sigurado at nagkamali lang sila, eh ‘di lalabas na ang unang pagkakamali nila ay itinutuwid nila sa pamamagitan ng isa pang pagkakamali. Kung sa bagay, si Robin kasi ay nagsasabing Muslim siya, at sa Islam ay pinapayagan ang divorce.
Ano lang ang mangyayari riyan. Sa ilalim ng ating batas, kung hindi kasal ang nanay at tatay, ang bata ay anak lamang ng nanay niya. Gayunman, nasusugan na ang batas na iyan. Kung kikilalanin ng legal ng ama ng bata na siya nga ang tatay, nagiging legitimate child pa rin siya, at kung mag-asawa man sa iba ang tatay niya, ang mamanahin niya kung mayroon man ay equal o kagaya rin ng parte ng mga kapatid niyang legal sa ibang nanay.
Dahil sa Muslim nga si Robin, hindi naman siguro pag-aaralin ang batang iyan sa isang Catholic school na hinahanap ang marriage contract ng mga magulang niya. Kung hindi naman ganoon wala naman sigurong magiging problema.
HATAWAN!
ni Ed de Leon