NAGPAKITA ng kanilang puwersa at todong suporta ang mayorya ng gabinete ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa pagharap ni Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go sa pagdinig sa Senado kaugnay sa P15.7-B frigate deal ng Philippine Navy.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, boluntaryo ang kanilang pagpunta sa Senado, pagpapakita ng kanilang todong suporta kay Go at hindi sila inutusan ng Pangulo.
“Talagang voluntary naman kaming nagpunta. Sa amin po, lalo na ‘yung taga-Malacañang na colleagues ni SAP Go, importante po ‘yun na nalinis ang pangalan ni Go,” aniya sa press briefing sa Palasyo kahapon.
Bukod kay Roque, nagtungo rin sa Senado sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Justice Secretary Vitaliano Aguirre, Cabinet Secretary Leoncio Evasco, Jr., Communications Secretary Martin Andanar, Solicitor General Jose Calida, PAGCOR chairman Andrea Domingo, Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra, at Communications Assistant Secretary Mocha Uson.
Giit ni Roque, fake news ang pagdawit kay Go sa frigate deal, mismong ang nasibak na Flag Officer in Command ng Navy na si Vice Admiral Ronald Joseph Mercado ang nagkompirma na ni minsan ay hindi nakialam ang SAP sa pagbili ng navy frigates.
“It’s very clear that no less than former FOIC Mercado cleared SAP Go from any involvement in this frigate deal. He affirmed before the Senate that SAP Go has not had any opportunity to communicate at any time at all, on this frigate deal,” wika ni Roque.