DINAKIP ang 50 parking boys sa isinagawang Oplan Disipilina ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa Timog Avenue, nitong Sabado ng gabi.
Hinuli ang parking boys na naniningil ng parking fee sa mga motoristang magpa-park sa lansangan na pagmamay-ari ng pamahalaan.
Ayon sa ulat P50 hanggang P100 ang singil sa mga magpa-park. Mahigpit itong ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan.
Binigyan ng warning ang mga may-ari ng mga establisiyemento na ginagawang exclusive parking para sa mga kilyente ang tapat o gilid ng kanilang puwesto para sa kanilang mga parokyano. Ipinagbabawal din ito dahil pag-aari ito ng pamahalaan.
Taon 2004 pa ipinatutupad ang naturang ordinansa ngunit marami pa rin ang lumalabag. Dahil dito plano ng lokal na pamahalaan na taasan pa ang multa sa sinomang lalabag sa nasabing ordinansa.
Ang nahuling parking boys ay isasailalim sa drug testing.
Bukod sa parking boys, ini-rescue ang ilang menor de edad na lumabag sa curfew.