ARESTADO sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang mag-live-in na hinihinalang tulak makaraan makompiskahan ng P294,000 halaga ng cocaine at ecstasy sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat kay QCPD director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang mga suspek na sina Russel Tan, 27, nakatira sa Rosmar Cage Restaurant, Loyola St., Morayta, Maynila, at Jazel Cabresos, 26, residente sa Nobelle House, Makati City, ay nadakip sa Room 21 ng Park Villa Apartelle sa kanto ng Quezon Avenue at Examiner St., Brgy. West Triangle, ng pinagsanib na puwersa ng District Drug Enforcement Unit (DDEU), sa pamumuno ni Chief Inspector Ferdinand Mendoza; Masambong Police Station 2 -Drug Enforcement Unit (SDEU), at Philippine Drug Enforcement Unit (PDEA-NCRO).
Ayon sa ulat, si Tan ay dati nang nadakip noong 12 Marso 2015 sa isang buy-bust operation ng PDEA sa Timog Avenue, Quezon City ngunit naglagak ng piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Kahapon, dakong 5:30 am, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba laban sa mga suspek makaraang makakuha ng impormasyon ang pulisya na patuloy sa pagtutulak si Tan kasama ang kanyang live-in partner.
Sa buy-bust operation sa apartelle, nadakip ang dalawa makaraan bentahan ng droga ang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakompiska mula sa mga suspek ang 21.50 gramo ng cocaine (P215,000); 36 capsules ng ecstasy (P55,000), walong bote ng liquid ecstasy (P24,000); at iba’t ibang drug paraphernalia. (ALMAR DANGUILAN)