TULOY na ang Barangay and Sangguniang Kabataan (SK) elections sa 14 Mayo makaraan ang ilang serye ng pagkaantala nito.
Inianunsiyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Commission on Elections nitong Martes, na ang election period ay mula 14 Abril hanggang 21 Mayo.
Ang paghahain ng certificates of candidacy (COC) ay mula 14-20 Abril habang ang campaign period ay 2-12 Mayo.
“Ilang beses na ito na-postpone at maraming nagtatanong kung ito ba ay matutuloy ngayong taon. Tuloy na tuloy po ang barangay and SK election ngayong ika-14 ng Mayo,” pahayag ni Undersecretary Martin Diño for barangay affairs.
Ang huling barangay elections ay ginanap noong Oktubre 2013, habang ang huling SK elections ay noong Oktubre 2010.
“Pangatlong try na natin ito. Tuloy na tuloy na ang Barangay at SK elections,” pahayag ni Comelec Spokesman James Jimenez.
Samantala, inilunsad nitong Martes ng DILG ang kampanyang naghihikayat sa publiko na bomoto para sa mga kandidatong “Matino, Mahusay, at Maaasahan.”
Umaabot sa 55 milyong botante ang rehistrado para sa May polls, ayon sa Comelec.
Ang mga opisyal na ihahalal sa 14 Mayo ay barangay chairman at pitong miyembro ng Sangguniang Barangay (kagawad), gayondin ang Sangguniang Kabataan chairperson, at pitong miyembro ng konseho.
HATAW News Team