IKAKANTA ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) ang mga anomalya sa Dengvaxia vaccination program sa imbestigasyon na isasagawa ng Palasyo.
Naghain sa Office of the President kahapon ng mga kasong gross negligence at grave misconduct ang grupong Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) laban sa 14 opisyal ng DOH at hiniling na suspendehin sila habang isinasagawa ng Malacañang ang pagsisiyasat sa isyu ng Dengvaxia scam.
Ayon kay dating Biliran Rep. Glen Chong, miyembro ng VACC, nakahandang tumestigo si DOH Project Manager Dr. Calrito Cairo sa imbestigasyon ng Palasyo sa mga opisyal ng health department.
Nakasaad sa 600-pahinang reklamo na isinumite ng VACC, nilabag ng mga opisyal ng DOH ang medical protocols at ina-pura ang implementas-yon ng mass vaccination.
Naniniwala sina Chong, Atty. Nasser Marojomsalic, at Atty. Manny Luna, pawang complainants laban sa DOH officials, na kasabwat si dating Pangulong Benigno Aquino III sa Dengvaxia scam.
“It was approved, it was railroaded, with the participation of (former) president Aquino. He met with the officials of the Sanofi in France sometime December 2 and it was approved by the FDA, the Food and Drugs Administration on December 22, 2015,” ani Chong.
Kaugnay nito, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, hindi pa lusot ang Sanofi sa pananagutan sa Dengvaxia scam.
“Let us not make any conclusion either way. And I’m also appealing to even some members of the government, wala pa pong final findings ang NBI, antayin po natin iyan. No one is responsible and yet, no one is off the hook at this stage. Dream on, Sanofi,” aniya.
Inihayag ng Sanofi kahapon, hindi na nila ibabalik ang bayad sa gobyerno para sa mga hindi nagamit na Dengvaxia vaccine.
(ROSE NOVENARIO)