TATLONG beses lang pala nagtagpo ang mga karakter nina Bela Padilla at Carlo Aquino sa kuwento ng pelikulang Meet Me In St. Gallen na idinirehe ni Irene Villamor.
Kuwento ng isa sa producer ng Spring Films na si Binibining Joyce Bernal, ”first act, first meeting one day nagkita sila (Carlo at Bela) after 5 years, that’s the second day and then another 2 years, that’s the third day. Kaya tatlong araw lang sa lifetime nila.”
Pero hindi naman sinagot ni direk Joyce kung nagkaroon ng relasyon o happy ending sina Bela at Carlo.
Maganda ang pagkakatahi-tahi ng istorya nina Bela at Carlo at iyon ang kailangang panoorin kung bakit Meet Me In St. Gallen ang titulo ng pelikula nila.
Nakapanayam naming mag-isa si direk Irene pagkatapos ng presscon ng pelikula at sinabi niya na ikatlong pelikula na niya ang Meet Me In St. Gallen dahil nauna ang Relaks, It’s Just Pag-Ibig at Camp Sawi.
“Pangalawang mainstream po itong ‘St. Gallen’ after ‘Camp Sawi,’” kaswal na sabi sa amin ng baguhang direktora.
Tinanong namin kung pressured si direk Irene dahil pagkatapos ng Kita Kita na malaki ang kinita ay itong Meet Me In St. Gallen ang kasunod ng Spring Films.
“Parang…Hindi naman matapatan pero sana (kumita) in terms of box office, eh, ang laki naman talaga ng kinita ng ‘Kita Kita’, pero ayaw ko na ring isipin kasi kapag nandoon ka lang nakatali parang… wala, eh, kakainin ka lang kaya huwag ko na lang isipin,” pangangatwiran sa amin.
Si direk Irene rin ang nagsulat ng Meet Me In St. Gallen dahil mas gusto niyang siya ang magsusulat ng script ng mga pelikula niya, ”opo, lagi akong written and directed by. Kasi since naiisip mo na ‘yung direksiyon, nag-a-agree ka na sa papel (script) kasi mas madali na siyang idirehe kasi na-project mo na sa isip mo while writing it, so mas madali for me, pero excited din ako na sana makahanap din ng ibang writer na makakasundo ko or para iba naman na mapapabilib ako sa isinulat o gustong-gusto ko ‘yung kuwento para ma-interpret ko siya kasi gusto ko namang magdirehe ng walang pinanggagalingan o hindi ko siya inisip before para ibang challenge naman.”
Okay lang ba kay direk Irene na pinakikialaman o ini-edit ang pelikula niya?
“To a point, okay lang. Kung alam kong okay sige. At saka once na inilabas mo na ang trabaho mo, it not yours anymore. Feeling ko maraming tao ang magki-criticize parang ganoon. Kumbaga inihain mo na so, hindi na akin ‘yun.
“‘Yung iba kaya ayaw pakialaman ang trabaho nila kasi sa kanila ‘yun, para sa akin since mainstream movie ito, may sinasabi rin ang producers, lalo na ‘yung mga focus group na sabi nga ni direk Joyce, may focus group discussion. Ina-asses nila ‘yung trabaho mo,” paliwanag ng direktora.
Tulad nga ng paliwanag din ni direk Joyce sa presscon ay inamin nitong talagang nakikialam siya bilang producer dahil, ”kapado ko na rin kasi ‘yung gusto ng tao, hindi kasi ako mahilig magbabad, kapag nakunan ko na ang isang eksena at sa tingin ko kuha na niya ako sa kuwento, okay na, hindi na kailangang magtagal pa.”
Tama naman dahil kami rin ay sobrang naiinip kapag sobrang babad at mabagal ang isang eksena na puwede namang hindi pala.
Sa Pebrero 7 na ang showing ng Meet Me In St. Gallen mula sa Spring Films at Viva Films at magkakaroon ng celebrity screening sa Trinoma Cinema 7 sa Pebrero 6.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan