MAKARAAN makakuha ng unqualified opinion, ang pinakamataas na marka mula sa Commission on Audit, nakamit ng Navotas ang 2017 Seal of Good Local Governance (SGLG) mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Isa ang Navotas sa walong siyudad sa kalakhang Maynila ang nabigyan ng SGLG.
“Lubos kaming nagpapasalamat na nakatanggap kami ng pinakamataas na parangal na binibigay ng DILG sa mga LGU. Isa lamang itong pagpapatunay na nasa tamang landas kami sa usapin ng serbisyo publiko,” ani Mayor John Rey Tiangco.
Pinasalamatan din niya ang lahat ng mga tumulong para makamit ang nasabing parangal. Nagpaalala siya na dapat patuloy lamang ang pagbibigay ng taus-pusong serbisyo sa mga Navoteño.
“Ipinapaabot ko ang aking pasasalamat sa aming Sanggunian, mga department heads, mga kawani ng city hall, at iba pang mga opisyal. Dahil sa kanilang pagpupursige na sundin ang best practices sa pamamahala at paglilingkod sa mamamayan kaya namin nakamit ang ganitong tagumpay.”
Pinasalamatan din niya ang mga residente sa patuloy nilang pagsuporta sa administrasyon ni Tiangco.
“Marami na tayong natupad, pero marami pa rin tayong dapat gawin. Nararapat lang na ialay sa mga Navoteño ang epektibo, tapat, at mapagkakatiwalaang pamahalaan na nagbibigay-prayoridad sa kanilang mga pangangailangan at mga pangarap sa buhay,” dagdag pa niya.
Sa pamamagitan ng SGLG, kinikilala ng pambansang pamahalaan ang mga LGU na nagpapakita ng mahusay na pamamahala.
Sa taong ito, kailangang ipasa ng SGLG awardees ang mas mahirap na pagtatasa ng DILG gamit ang 4+1 principle.
Para makatanggap ng award, kailangang ipasa ng isang LGU ang lahat ng core assessment areas tulad ng Financial Administration, Disaster Preparedness, Social Protection, at Peace and Order.
Kailangan ding matugunan ng isang LGU ang kahit isa sa mga essential assessment areas tulad ng Environmental Management, Business-Friendliness and Competitiveness, at Tourism, Culture and the Arts.
(JUN DAVID)