MAKATITIPID na sa pasahe at pabaon sa kanilang mga anak na estudyante ang mga magulang kapag naaprobahan ang sponsor na panukalang batas ni Senator Sonny Angara, na naglalayong palawakin ang 20% fare discount ng mga mag-aaral.
Sa panukalang ito, sakop ng diskuwento ang iba pang uri ng transportasyon tulad ng eroplano, barko at tren.
“Ito po ay isang maagang Pamasko sa ating mga mag-aaral. Tiyak na makatitipid ang mga magulang dahil alam naman nating hindi lang matrikula ang kanilang pinagkakagastusan kundi pati na rin ang baon at pasahe ng mga estudyante,” ani Angara, isa sa mga may akda ng Senate Bill 1597, at vice chairman ng Education Committee sa Senado.
“Hindi lang mga estudyante mula sa mga pampubliko o pribadong paaralan ang makahihinga nang maluwag dahil dito, kundi partikular ang kani-kanilang mga magulang. At higit na makagagaan ito sa mga kababayan nating kabilang sa indigent sector o iyong mga salat na salat sa buhay,” dagdag ng senador, kilala rin bilang educational reforms advocate at isa rin sa mga may akda ng Free College Law.
Sa naturang panukala, ang lahat ng estudyante, kasama ang nasa technical-vocation institutions, ay kailangan pagkalooban ng 20 porsiyentong diskuwento sa iba’t ibang uri ng transportasyon tulad ng jeep, bus, UV Express vans, taxis at transport network vehicle services, na kinabibilangan ng Grab at Uber, MRT, LRT.
Kinakailangan lamang magpakita ng mga karampatang dokumento tulad ng school ID, ang isang mag-aaral upang mapatunayang siya ay estudyante. )
Ang diskuwento ay walang pipiliing araw dahil maging sa weekends, summer breaks, at holidays ay ipagkakaloob ito sa mga estudyante.
(NIÑO ACLAN)