NAGPALABAS ng direktiba si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan hinggil sa pagpapatupad ng dengue vaccination program sa mga kamag-anak ng mga empleyado ng pamahalaang lungsod.
Layon ng naturang programa na maprotektahan laban sa mga panganib na dulot ng dengue ang mga kamag-anak ng mga empleyado mula siyam hanggang 18-anyos sa pamamagitan ng libreng bakuna hanggang sa 15 Nobyembre 2017.
Samantala, sa Caloocan City North Medical Center (CCNMC), umabot sa 100 katao ang nabakunahan ng kontra dengue sa loob ng tatlong araw mula nang ito ay inilunsad.
Ang libreng bakuna kontra dengue na handog ng administrasyong Malapitan ay ginaganap sa dalawang pampublikong ospital ng siyudad.
Muling pinaalalahanan ang mga nais magpabakuna na kailangang malakas ang kanilang pangangatawan at walang nararamdamang sakit, walang tinanggap na ibang bakuna sa loob ng nakalipas na isang buwan, at hindi uminom ng pampurga sa loob ng nakaraang tatlong araw.
Ang iskedyul ng pagpapabakuna ng mga ipinatalang kamag-anak na mga kabataan ay sa CCNMC, Susano Rd., Barangay 177, Camarin, Caloocan City mula Lunes hanggang Biyernes simula 2:00 pm hanggang 5:00 pm, at sa Caloocan City Medical Center Annex sa A. Mabini Street tuwing Martes at Huwebes simula 1:00 pm. hanggang 4:00 pm.
Hangad ni Mayor Malapitan na makaiwas ang mga kabataan sa anomang peligrong dulot ng dengue. (JUN DAVID)