HINAMON ni Senadora Nancy Binay si Communications Assistant Secretary Mocha Uson na magdesisyon kung itutuloy ang pagiging opisyal ng gobyerno bilang assistant secretary o bumalik bilang full time blogger.
Ayon kay Binay, may conflict ang mga pahayag ni Uson sa personal niyang opinyon sa kanyang blog at ang mga patakaran ng gobyerno, na kanyang kinabibilangan.
“It’s high time for you to decide kung gusto mo maging blogger or kung gusto mo maging Asec,” ani Binay.
Ngunit ang tugon ni Uson, kahit opisyal siya ng tanggapan ng gobyerno, hindi raw nawala ang kanyang karapatan na maglabas ng mga perso-nal na opinyon.
Kaugnay nito, naging mainit ang unang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa umano’y pagkalat ng “fake news” o mga hindi totoong balita.
Dininig ng Senate committee on public information, na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe, ang kaugnay sa usapin ng “fairness” o patas na pagbabalita.
Sinabi ni Poe, obligasyon ni Mocha na sundin ang mga alituntunin sa paglalathala ng ano mang impormasyon, lalo’t isa siyang public servant na binibigyan ng suweldo mula sa buwis ng taongbayan.
Samantala, inungkat ni Uson na may mga lumabas na report laban sa kanya ngunit hindi nakuha ang kanyang panig.
Ngunit, sumbat ni Senator Bam Aquino, marami ring ipinakalat na impormasyon si Uson ngunit kahit minsan ay hindi rin kinuha ang kanilang panig, mula sa minorya.
“Sa dami-dami ng mga blog mo tungkol sa ‘min dito, may isang beses ba na humingi ka ng side namin?” ani Aquino.
Depensa ni Uson, siya ay isa lamang “blogger” at hindi journalist at karapatan niya lamang na magpahayag ng kanyang sariling opinyon.
(NIÑO ACLAN)