LUMAGDA na si Senador Antonio Trillanes IV sa isang “sworn waiver of secrecy of bank deposits” upang malayang siyasa-tin ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang umano’y kanyang offshore deposits.
Ayon kay Trillanes, ito ay patunay na wala siyang itinatagong offshore accounts o deposito sa ibang bansa kompara kay Pangulong Rodrigo Duterte at mga miyembro ng kanyang pamilya.
Ayon kay Trillanes, isang fake news at malaking blunder ang ginawa ni Duterte dahil walang Nova Scotia Bank at Hong Kong Shanghai Bank. Dagdag ni Trillanes, dahil sa pagpirma niya sa waiver ay malayang makakukuha ng ano mang impormasyon ang AMLC sa 11 bankong inihayag ng Pangulo na mayroon siyang tagong bank deposits.
Ayon kay Trillanes, tukoy na niya kung sino ang pinanggalingan ng lahat ng impormasyon ng Pangulo, ito ay Mocha Uson Blog, kay Ramon Tulfo, at Davao Breaking News na galing din kay Ben Tesiorna, na isang corres-pondent ng CNN Philippines.
Dahil dito, inihahanda na ni Trillanes ang pagsasampa ng kasong libelo sa mga nabanggit dahil sa pekeng balita.
Bukod dito, hinamon ni Trillanes si Pangulong Duterte na lumagda rin sa isang waiver ukol sa banks accounts ng kanyang pamilya.
Ngunit inaasahan ni Trillanes na malabong gawin ito ni Duterte lalo na’t mayroong katotohanan ang kanyang mga ibinunyag na bank accounts ng pamilya Duterte.
Aminado si Trillanes na mayroon siyang bank accounts ngunit ito ay local banks lamang.
Ibinunyag ni Trillanes, mayroong higher ups PMA’ers sa likod nang tangkang demolisyon sa kanya.
Tinukoy ni Trillanes na ganito ang ugali ng kasalukuyang administrasyon, ang gibain ang isang miyembro ng oposisyong katulad niya ngunit puro kasinungalingan umano ang akusasyon. Tumanggi si Trillanes na tukuyin kung anong class ng PMA at sino-sino ang kanyang mga itinuturo.
(NIÑO ACLAN)