PERSONAL na nag-obserba si Caloocan Mayor Oscar Malapitan sa pagpapatupad ng curfew sa Bagong Barrio, Linggo ng gabi.
Ayon sa mayor, may mangilan-ngilang mga residente ang nahuli sa paglabag sa ordinansa ng curfew ngunit agarang pinauwi lalo ang mga kabataan.
Ipinatawag ang kanilang mga magulang at matapos ang maikling pangaral ay pinauwi agad ang mga nahuli, sabi ng mayor.
“Ang dating mataong lugar gaya ng Bagong Barrio ay unti-unti na ring nababawasan sa kanilang pagtupad sa ordinansa ng curfew. Wala na rin makikitang mga nakahubad ng pang-itaas,” ayon sa mayor.
Ang curfew ay para sa mga menor-de-edad –— 17 anyos pababa, mula 10:00 pm hanggang 5:00 am ng susunod na araw.
Ang mga mahuhuli ay dadalhin sa holding area ng mga pulis o barangay na makahuhuli at isasailalim sa counselling.
Sa ngayon, ipinatutupad ang lumang ordinansa ng curfew at sa kalagitnaan ng buwang ito ay target nang simulan ang bagong ordinansa u-pang mailigtas ang mga kabataan sa ano mang banta ng kriminalidad sa paligid.
Sa unang pagkakataon na mahuli ang mga bata sa curfew, ang kanilang tatay ay magpu-push up.
Sa ikalawang huli, ang isa sa kanyang magulang ay magsasagawa ng community service, gaya ng pagwawalis sa loob ng apat na oras.
(JUN DAVID)