IPINAG-UTOS ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan sa pulisya na magsumite ng masusing imbestigasyon hinggil sa naganap na ‘pagpaslang’ sa isang 17-taong-gulang na Grade 11 student noong Miyerkoles ng gabi sa naturang lungsod.
Isang parallel investigation ang nais mangyari ng alkalde na pangungunahan ng Caloocan Peace and Order Council hinggil sa pagkamatay ng estudyanteng si Kian Loyd Delos Santos. Ang emergency meeting ng POC na dinaluhan ng mga miyembro nito maging si Bishop Virgilio David ay ginanap Sabado ng umaga sa Bulwagang Katipunan ng city hall.
Agarang resolusyon ang nais niyang makuha sa lalong madaling panahon.
Hiningi din ng mayor ang kooperasyon ng buong komunidad upang maiwasang maulit ang naganap na insidente na sapilitang kinaladkad ng dalawang pulis ang menor de edad base sa kuha ng CCTV.
Hinihimok din niyang makipagtulungan ang residente sa buong Caloocan upang ipagsumbong sa kanyang opisina ang anomang kahina-hinalang mga aktibidad lalong-lalo na yaong may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot.
“Maaari silang dumulog sa aking tanggapan, kung doon sila mas komportableng magsumbong,” aniya. “Mas maiging maaga pa lamang ay maiwasan na natin at mailayo ang ating mga kabataan sa anumang bagay na may kinalaman sa masamang gawain.”
Inulit din niya ang kanyang direktiba sa lahal ng mga departamento ng local na pamahalaan gaya ng health, public safety, city environmental office, engineering, city social welfare, legal, public employment office, community relations, public information, city council, academe, pulisya at iba pang awtoridad maging ang barangay upang taos-puso nilang isagawa ang kanilang gawain upang mapanatili at ‘maisulong’ ang isang ligtas na komunidad para sa kabataan.
“It takes a community to raise a child,” wika niya sa Pilipino. “Ang buong puwersa ng komunidad sa tulong ng lokal na pamahalaan ay makapagdudulot ng magandang kapaligiran na naaayon para magpalaki ng mga anak.”
Patuloy na kinokondena ng mayor ang ginawang karahasan sa bata. Maging ang kanyang Facebook page na nakakatanggap ng libo-libong comment at suhestiyon.
Ayon kay Bishop David, pinaalalahanan niya ang mga miyembro ng POC na ang drug addiction ay hindi krimen, bagkus it ay isang uri ng sakit. Sakit ng lipunan. Dapat anyang tulungan at hindi basta na lang ipagwalang bahala ang kanilang (drug adik) mga buhay.”
Iinaasikaso ni Malapitan, na dumalaw sa labi ni Kian noong Biernes ng gabi, sa social welfare department na asikasuhin ang disenteng palibing sa bata. (JUN DAVID)