IBINUNYAG nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senador Sonny Angara, na inamin sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang pulong kasama ang ilang senador at finance managers, na mayroong malaking banta sa seguridad ng Mindanao ang mga rebeldeng grupo.
Dahil dito, hiniling niya sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang dagdag na pondo para sa mga armas ng mga sundalo gayondin ang karagdagang 20,000 sundalo na magtatanggol sa Mindanao.
Gayonman, hindi batid nina Drilon at Angara ang pinagmulan ng impormasyong ibinigay sa kanila ng Pangulong Duterte.
Habang inamin ni Angara na nangangamba ang pamahalaan na maaaring magsanib puwersa ang grupong Maute, Abu Sayyaf Group, ISIS at iba pang mga rebeldeng grupo.
Tumanggi si Angara na pangalanan ang mga lugar na may malaking banta ng panganib para sa seguridad ng publiko at upang hindi sila mag-panic.
Hindi naitago ni Angara ang posibilidad na maging ang Kamaynilaan ay pasukin ng mga rebeldeng grupo.
Samantala, tiniyak nina Drilon at Angara na maka-aasa ng suporta ang Pangulo basta matiyak lamang ang seguridad ng Mindanao at maging ng buong bansa.
Kaugnay nito, pinag-usapan din sa pulong ng Pangulo ang ilang mga panukalang batas katulad ng fast lane law, national budget, libreng tution sa SUCs, barangay election at iba pa.
Ngunit agad inilinaw nina Drilon at Angara na hindi sila diniktahan o nagbigay ng marching order ang Pangulo sa mga hiniling niyang mga panukalang batas.
Bagkus ay tanging sinabi sa kanila ng Pangulo, sila na ang bahala at magdedesisyon ukol sa kanyang mga panukala at kahilingan.
Dumalo sa pulong si House Speaker Pantaleon Alvarez at House Majority Leader Rodolfo Fariñas.
(NIÑO ACLAN)