MALAKI ang posibilidad na muling maunsyami ang nakatakdang barangay at SK election ngayong Oktubre makaraan mabinbin noong nakarang taon.
Ayon kay Senador Sonny Angara sa isang pulong kasama sina Pangulong Rodrigo Duterte at lider ng dalawang kapulungan ng Kongreso, inamin niyang nais niyang ma-postpone ang barangay election.
Ngunit sinabi ni Angara, walang marching order o mahigpit na bilin sa kanila ang Pangulong Duterte kung ito ay kanilang dapat suportahan o hindi.
At kung ang Pangulo ang tatanungin ay nais niyang magkaroon na lamang ng appointment o pagtatalaga kompara sa sinasabing “hold over” o manatili sa puwesto ang mga kasalukuyang nakaupo.
Ibinunyag ni Angara, nakatakdang magpulong sa susunod na linggo ang mga kongresista upang talakayin ang naturang panukala ng Pangulo.
Aniya, wala pang malinaw na posisyon dito ang Senado dahil wala pang sinasabi si Senate President Koko Pimentel.
Ngunit kung si Angara ang tatanungin, nais niyang pag-aralan ang lahat ng suhestiyon ayon sa nilalaman ng panukala.
(NIÑO ACLAN)