ILEGAL na droga, pagmimina, rebelyon sa Marawi at deklarasyon ng martial law sa Mindanao, pederalismo, death penalty, usapin ng West Philippine Sea, bagyong Yolanda, nakaambang “The Big One, human rights victims.
Ito ang ilan sa mga tinalakay at nilalaman ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit ni Duterte na tuloy ang kampanya laban sa ilegal na droga upang mawakasan na ang krimen sa ating lipunan.
Binigyang-linaw ni Duterte na pinahahalagahan niya ang bawat buhay sa mundong ito na likha ng Poong Maykapal.
Hindi papayagan ni Duterte na masira ang bawat pamilyang Filipino at kinabukasan ng bawat kabataan nang dahil sa ilegal na droga at kailangan ng kapayapaan sa bawat sulok ng bansa.
Tulad ng iba, nais ni Duterte na matuldukan ang kaguluhan at makamit ang tunay na kapayapaan sa bansa lalo sa Mindanao na mayroong kaguluhan sa kasalukuyan.
Pinanindigan ni Duterte ang kanyang deklarasyon ng martial law sa Mindanao na nakita niyang pinakamabilis na tugon para agad mahuli at masugpo ang mga rebledeng grupo.
Paliwanag ni Duterte, pinapayagan ng Saligang Batas ang kanyang naging hakbangin at desisyon.
Sinigurado ni Duterte ang kanyang suporta at tiwala sa lahat ng mga sundalo at pulis lalo na kung kanilang ipinatutupad ang batas at ipinagtatanggol ang bayan laban sa mga rebelde at iba pang mga kaaway ng pamahalaan.
Kabilang sa mga panukalang batas na kanyang hiningi ang agarang suporta ng dalawang kapulungan ng Kongreso para sa agarang pagsasabatas ng national land use act, death penalty at pederalismo. Ipinarerepaso niya ang procurement law, no balance billing policy, at tax reform law.
Sinabi ni Duterte, hindi niya lalagdaan ang karagdagang bonuses at allowances ng GOCCs.
Umapela si Duterte sa Korte Suprema na huwag magpalabas ng temporary restraining orders (TROs) para mapigilan ang pamahalaan na maipatupad ang mga programa at proyekto para sa mga mamamayan.
Hindi itinago ni Duterte ang kanyang pagiging malapit at kaibigan dati ang NDF ngunit aniya ay wala siyang panahong makipag-usap sa grupo.
Sinabi ni Duterte, sa tamang panahon at takdang oras ay kanyang tatalakayin ang West Philippine issue at hindi niya ito isinasantabi.
Pahapyaw na binanggit ni Duterte ang overseas Filipino workers (OFWs) na dapat ay bigyan nang sapat na proteksiyon at ilayo sa korupsiyon.
Binalaaan ni Duterte ang lowest bidders na pangunahing sanhi ng korupsiyon sa ating bansa.
Binalaan ni Duterte si Department of Health (DoH) Secretary Pauline Ubial na kailangan niyang ayusin ang sistema nang pagbili ng mga kagamitan sa ospital at procurement system kung hindi siya ay papalitan.
Nais ni Duterte na malawakan nang ipatupad ang K-12 program ng pamahalaan sa buong bansa.
Pinasalamatan ni Duterte ang China sa pagbibigay ng libreng proyekto na dalawang tulay para mabawasan ang suliranin sa trapiko sa EDSA kaugnay sa mga infrastructure project ng pamahalaan.
Iniutos ni Duterte ang pagpapatupad sa buong bansa ng anti-smoking law at paglilinis ng mga sasakyang nakakalat sa kalye o nakaaabala sa daloy ng mga sasakyan.
Sa kasalukuyan ay nagpapatayo ang pamahalaan ng isang bagong paliparan para masolusyonan ang problema sa trapiko sa himpapawid.
Isinumite ng Pangulo sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang panukalang 2018 national budget na umaabot sa P3.767 trilyon.
Ipinagmalaki ng Pangulo ang ipinatupad na national broadband sa ating bansa na huwag sanang sayangin ng bawat mamamayan.
(NIÑO ACLAN)