INIHAYAG ni Senadora Loren Legarda, chairman ng Senate Committee on Finance, titiyakin niyang mapaglalaanan nang sapat na pondo sa panukalang 2018 national budget ang rehabilitasyon ng Marawi.
Ayon kay Legarda, dapat matiyak na manumbalik at maging matatag ang ekonomiya, sosyal at politikal na aspeto sa Marawi.
Iginiit ng senadora, kahit anong uri ng plano kung walang sapat na pondo ay magiging plano na lamang ang lahat, at hindi maibabalik ang dating sigla ng Marawi.
Bukod dito, sinabi ni Legarda, dapat din masiguro ng pamahalaan na maibabalik ang katahimikan at kaligtasan ng mga mamamayan ng Marawi, sa sandaling maibalik na ang lahat.
Pinaalalahanan ni Legarda ang pamahalaan, partikular ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DoLE), Department of Social welfare and Development (DSWD), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na kanilang ipatupad ang kanilang mga programa para sa mga kababayan natin sa Marawi.
Idinagdag ni Legarda, mayroong nakalaang pondo para sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) para sila ay bigyan ng paunang puhunan para sa pagsisimula ng panibagong kabuhayan.
Tinukoy ni Legarda, maging ang Department of Agriculture ay maaaring mapagkalooban ng tulong ang mga magsasakang apektado ng kaguluhan. (NIÑO ACLAN)