UMAASA si Senador Antonio Trillanes, hindi matutulad si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Eduardo Año kay dating Environment Secretary Gina Lopez, na aniya ay inilaglag ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay makaraan iha-yag ng Pangulo na kanya nang nilagdaan ang appointment paper ni Año bilang bagong kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG), bago siya lumipad papuntang Cambodia.
Si Año ay nakatakdang magretiro sa AFP sa Oktubre, at inaasahang agarang uupo sa kanyang bagong puwesto.
Ayon kay Trillanes, karapat-dapat sa puwesto si Año lalo na sa ipinakita niyang reputasyon at dedikasyon sa pagsisilbi sa Sandatahang Lakas ng Filipinas.
Ngunit ang pangamba ni Trillanes ay baka magkaroon ng problema sa makapangyraihang Commission on Appointments (CA), sa sandaling isalang si Año katulad nang nangyari kay Lopez.
Maging ang agarang appointment ni Senador Alan Peter Cayetano bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA), ay umani rin ng papuri.
Ayon kay Senador Chiz Escudero, malaking kawalan sa Senado ang tulad ni Cayetano at malamang ma-miss niya ang Senado sa sandaling tanggapin ang puwestong inialok sa kanya ng Pangulo.
Sa kasalukuyan ay nasa Geneva Switzerland ang senador bilang bahagi ng delegasyon at kinatawan ng Filipinas sa UN Universal Periodic Review (UPR), at kanilang iniuulat ang programa ng kasalukuyang administras-yon, hindi lamang sa lagay ng ating ekonomiya, mga panukalang batas, kundi gayondin ang kampanya laban sa ilegal na droga. (NIÑO ACLAN)