NANINIWALA si Senador Alan Peter Cayetano, maituturing na insulto sa komite at kawalan ng respeto o “rule” ng Senado bilang isang institus-yon, ang muling pagsasagawa ng imbestigasyon ukol sa panibagong pagbubunyag ni dating Davao Death Squad (DDS) chief Arturo Lascañas.
Magugunitang iba ang kanyang bagong pahayag sa nauna niyang testimonya sa pagharap sa pagdinig ng Senate committee on justice, sa pamumuno ni Senador Richard Gordon.
Ayon kay Cayetano, hindi dapat payagan ng Senado ang pagpapaikot o pagsisinungaling ng isang testigong humaharap sa kanila sa bawat pagdinig.
Iginiita ni Cayetano, hindi tama at makatuwiran na i-refer sa ibang komite ang naturang pahayag ni Lascañas, na nagbigay na ng unang pahayag sa ibang komite, at ang naturang komite ay naglabas na ng kanilang committee report.
“Alam natin na kapag sinabing reopen, ang committee na may original jurisdiction, ‘yun ang magre-reopen. That has been the Senate tradition. Never nating ginagawa sa Senado na alisin ang jurisdiction sa committee. And never natin pinagbobotohan ‘yun. Do we have to throw the rule book to the wastebasket?” ani Cayetano.
(NIÑO ACLAN)