BIGONG makalusot si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Perfecto Yasay para sa kanyang kompirmasyon, sa Committee on Foreign Relation ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) dahil sa isyu ng kanyang citizenship.
Hindi tuluyang ibinasura ng komisyon ang nominasyon ni Yasay para sa kanyang kompirmasyon, kundi ito ay pansamantalang sinuspendi.
Ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson, chairman ng komite, mayroon pang mga katanungan ang ilang miyembro ng komisyon sa kalihim.
Dahil dito, itinakda ang susunod na pagdinig sa kompirmasyon ni Yasay sa susunod na linggo, upang higit niyang mapaghandaan ang mga katanungan ng mga miyembro ng komisyon.
Nauna rito, kinuwestiyon ng ilang miyembro ng CA kung paano sila makokombinsi na hindi isang US Citizen ang kalihim gayong ang kanyang asawa ay isang American Citizen.
Paliwanag ni Yasay, naninirahan siya sa America at naging residente rito at nanumpa bilang isang American citizen makaraan mag-apply, ngunit nabigo siyang maging citizen ng Estados Unidos nang bumalik sa Filipinas noong 1985.
Bukod dito, nakuwestiyon din si Yasay sa kanyang posisyon sa kontrobersiyal na usapin ng West Philippine Sea.
Katuwiran ni Yasay, ang naturang teritoryo ay pag-aari ng ating bansa ngunit nararapat itong ipaglaban sa isang matiwasay at tahimik na pamamaraan.
Dagdag ni Yasay, dapat ipaglaban ang ating karapatan sa naturang isla kahit matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
(NIÑO ACLAN)