NAIS ng ilang mga senador na muling buksan ng Senado ang imbestigasyon sa extra judicial killings (EJK), ito ay kasunod nang paglutang ng dating lider ng Davao Death squad, na si SPO3 Arturo Lascañas, at binawi ang kanyang mga naunang pahayag sa Senado.
Ayon kina Senadora Grace Poe, Leila de Lima, at Senador Bam Aquino, ito ang tamang panahon para muling magsagawa ng imbestigasyon ang Senado.
Sinabi ni Poe, kaya pala hindi siya lumagda sa committee report dahil mayroon pang kulang sa nilalaman nito, at maaaring isa ang magiging pahayag ni Lascañas.
Habang pahayag ni Aquino, upang mapatunayan na patas ang Senado, nararapat na magkaroon ng pagdinig kaugnay sa panibagong pahayag at pagbubunyag ni Lascañas.
Samantala, naniniwala si De Lima, ito na marahil ang kanyang nauna pang sinasabi na talagang mayroong DDS at si Duterte ang nasa likod ng mga EJK.
(NIÑO ACLAN)