ITINURING na drug free na ang Caloocan City Hall makaraan paalisin ang mga empleyadong nagpositibo sa random drug testing sa iba’t ibang departamento nito.
Sa emergency meeting ng Caloocan Anti-Drug Abuse Council (CADAC), sinabi ni Mayor Oscar Malapitan, ang paglilinis sa hanay ng mga empleyado ang dapat unang mangyari upang sumunod ang lahat ng mga negosyo at mga barangay sa Caloocan.
Ayon sa Human Resources Management officer in- charge, Atty. Sikini Labastilla, ang mga nagpositibo ay binigyan ng “conditional dismissal” kaya’t ang city government ngayon ay “drug-free” na.
Sinabi ni Labastilla, sa 4,500 empleyado, apat na regular at 10 job order workers lang ang nagpositibo. “Sumatotal sa 0.3 porsiyento lang,” aniya.
Ang apat regular na empleyado ay sumailalim sa confirmatory blood test.
Samantala, iniutos ni Malapitan ang agarang pag-dismiss sa 10 job order workers at maaari silang makabalik sa trabaho kung sasailalim sa rehabilitation treatment.
Hinihikayat ni Malapitan ang lahat ng mga establisimiyentong pangnegosyo at mga barangay na isailalim ang kanilang mga opisyal sa drug test.
(JUN DAVID)