NAGSANIB-PUWERSA kahapon ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na layong matugunan ang kahirapan at upang mabigyan nang sapat na kasanayan at pagkakakitaan ang mga Fi-lipino.
Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guling “Gene” Mamondiong, ang pagpasok sa memorandum of agreement ng kanilang ahensiya at PCCI ay upang mabigyan ng pagkakataon ang mga Filipino na mapalawig ang kanilang kasanayan at makakuha ng magandang pagkakakitaan.
Kabilang sa lumagda ay sina PCCI President George Barcelon, TESDA Deputy Director General of Partnership and Linkages Rebecca Calzado, at PCCI Human Resources Development Foundation Inc. president Dr. Alfredo Fenix. Jr.
Isa sa mga layunin ng TESDA ang makapagbigay ng mataas na kalidad ng skills training upang makatulong na maparami ang mga Filipino na makapag-aambag ng kanilang talento sa larangan ng teknikal na kasanayan.
Sa pamamagitan ng pakikipagsanib puwersa ng TESDA sa PCCI na isang malaking business organization sa bansa, ay magkakatulungan ang mga ito upang makalikha ng mga empleyadong may higit na kakayahan sa larangan ng technical skills.
“The parties shall promote and facilitate Dual Training System (DTS) and assist business chambers, industry and trade association and enterprises in the promotion and implementation of TVET (Technical-Vocational Education and Training) programs,” isa sa mga nakasaad sa MOA.
(JUN DAVID)