NANAWAGAN si Senate Minority Leader Ralph Recto kay Philippine National Police (PNP) chief, Dir. Gen. Ronald Dela Rosa na tutukan nang husto ang isinasagawang Oplan Tokhang upang hindi magamit ng scalawags, maabuso at mauwi sa oplan kidnap, lagay o ransom.
Sinabi ni Recto, dapat panagutin ni Dela Rosa ang mga pulis na mapapatunayang nang-aabuso sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Naniniwala si Recto, masisira ang tunay na motibo ng kanilang kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng Oplan Tokhang kung naaabuso at nagagamit sa masamang gawain.
Binigyang-linaw ni Recto, suportado niya ang kampanya ng pamahalaan para maresolba ang problema sa ilegal na droga sa bansa ngunit dapat higit mabigyan nang proteksiyon hindi lamang ang mga karapatan ng sangkot dito kundi maging ang mga inosenteng sibilyan.
Magugunitang sa kabila nang pagmamalaki ng pamahalaan na matagumpay ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga ay mayroong mga nagreklamo ukol sa pang-aabuso sa mga inosenteng sibilyan.
(NIÑO ACLAN)