NAKARANAS ng torture ang dating police asset na inaresto ng mga tauhan ng Valenzuela Police Station, sinasabing tatlong beses inilalabas sa detention cell pagsapit ng madaling araw para pahirapan.
Ito ang ipinagtapat ni Gideon Roldan, inaresto kamakailan ng mga pulis sa kanilang bahay sa Gumamela Extension, Brgy. Gen. T. De Leon dahil sa hinalang pagtutulak ng ilegal na droga.
Aniya, tinutukan siya ng baril sa ulo ng mga pulis at isa ang nagsabi na barilin na lang siya, ngunit hindi naisakatuparan dahil humarang ang kanyang asawa at mga anak.
Dahil dito, dinala na lang sa presinto si Roldan at kinasuhan ng paglabag sa Sec. 5 at Sec. 11 ng R.A. 9165.
Ngunit hindi rito natapos ang kalbaryo ni Roldan dahil kahit nasa loob siya ng detention cell ng Valenzuela police station, pagsapit ng madaling araw habang tulog na ang mga kasamahan niyang preso, inilalabas siya ng mga pulis nang may piring sa mga mata.
Isinasakay siya sa sasakyan at iniikot kung saan-saan saka paiinomin ng isang litrong tubig, sabay pitik sa kanyang lalamunan.
Suntok sa sikmura, sampal at batok ang inaabot niya sa mga pulis na umaresto sa kanya.
Sinabi ni Roldan, nakilala lang niya sa mukha ang mga pulis na naglalabas sa kanya tuwing madaling araw at kakontsaba nila ang jailers na panggabi.
Ipnagtapat ni Roldan, dati siyang asset ng mga pulis at marami na siyang naiturong drug personalities na nakulong din.
Ngunit nang masibak ang mga opisyal na kanyang sineserbisyohan, ikinulong na siya ng mga bagong opisyal na nakaupo.
Minadali ng kanyang nakatatandang kapatid na babae ang pagbaba ng commitment order ni Gideon, para mailabas agad siya at mailipat sa Valenzuela City Jail.
Lumapit din ang ate ni Gideon kay Mayor Rex Gatchalian para sabihin ang nangyayari sa kapatid at pinayuhan siya ng alkalde na magtungo sa National Police Commission (NAPOLCOM).
(JUN DAVID)