Saturday , November 16 2024

Gen. Bato ‘umiyak’ sa senate probe

HINDI napigilan ni PNP chief DGen. Ronald Dela Rosa na maluha sa pagdinig ng Senado kahapon kaugnay sa pagpatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa.

Tiniyak ni Dela Rosa, kanilang kakayanin ang giyera laban sa ilegal na droga at hindi nila ito uurungan.

Aniya, kanyang lilinisin sa police scalawags ang PNP hangga’t kanyang makakaya.

Nangako si Dela Rosa kay Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya iiwan sa ere ang presidnete at gagawin ang lahat para matuldukan ang problema sa ilegal na droga.

Aminado si Dela Rosa, medyo nahihirapan ang PNP sa mga pangyayari kaya humingi siya ng paumanhin.

Giit ng PNP chief, hindi siya Superman at siya ay isang ordinaryong pulis lang ngunit dahil inilagay siya bilang Chief PNP ng presidente ay gagawin niya ang lahat at lilinisin ang kanilang hanay laban sa mga police scalawags.”

Inihayag ni Dela Rosa, hindi niya masisisi ang publiko kung nawawalan na sila ng tiwala sa mga pulis.

“I, myself, sinasabi ko nga minsan hindi ko na alam kung sino ang pagkatiwalaan…. Like itong si Chief Inspector Espenido, (i)nilagay ko siya (r)oon as chief of police ng Albuera because buo ang paniniwala ko kahit hindi siya personally kilala,” ani ni Dela Rosa. Giit ni Dela Rosa, maging siya ay hindi alam kung sino ang pagkatiwalaan.

“Your honor, ipinapasa-Diyos ko na lang ang situwasyon namin sa PNP. Gustong-gusto ko nang ma-reform ‘yung PNP because mahal na mahal ko ‘yung organization namin pero ako ay hirap na hirap na,” wika ni Dela Rosa.

Dagdag ni Dela Rosa, “I will never surrender… Kaya ko ito; hindi ko ito uurungan. Lilinisin ko ang PNP hanggang sa makakaya ko.”

( NIÑO ACLAN )

P20-M para sa payola
P50-M TO P80-M KITA
NI KERWIN SA DROGA

INAMIN ni Kerwin Espinosa, kumikita siya ng P50 milyon hanggang P80 milyon sa loob ng isang taon para sa mga transaksiyon ng ilegal na droga.

Nitong taon 2016, kumita siya ng P30 milyon hanggang P35 milyon.

Sa pagtatanong ni Sen. Franklin Drilon, binanggit ni Espinosa na pagtaya lamang niya ito dahil hindi pare-pareho ang bagsak sa kanya ng shabu.

Ngunit hindi aniya lumalayo sa nasabing halaga ang kita niya dahil may mga distributor siyang nakatutuwang sa pag-dispose ng ipinagbabawal na gamot.

Gayonman, malaki rin ang nababawas sa kanyang kita dahil sa protection money na ibinibigay sa mga pulis at government officials.

Sa isang taon, aabot sa P20 milyon ang inilalaan niya sa payola mula sa pinakamataas na opisyal ng gobyerno hanggang sa pinakamababa.

Sa police captains pa lang ay may P15,000 na siyang ibinibigay.

Habang aabot sa P50,000 sa mga police colonel ang regular na iniaabot niya.

Sa kabilang dako, milyon ang usapan sa transaksiyon nila ni Ronnie Dayan, ang driver bodyguard ni Sen. Leila de Lima.

Bagay na mariing itinanggi ng senadora sa kanyang pagsasalita sa pagdinig sa Senado.

PULIS SA SOP
IKINANTA NI KERWIN

KINOMPIRMA ng hinihinalang top drug lord ng Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa, may mga pulis na nagbebenta ng ilegal na droga bukod sa binibigyan ng SOP o payola.

Sinabi ni Kerwin, may mga contact siyang mga pulis na minsan ay nagsu-supply ng droga sa kanya.

Dagdag ni Kerwin, sa oras mawalan o maubusan siya ng supply ng droga ang mga contact niyang pulis ang kanyang kinukuhaan ng supply.

Giit ni Kerwin, kapag umoorder sa kanya ng shabu ang nasabing mga pulis ay hindi sila nagbabayad ng full payment.

Ngunit kapag siya ang umorder sa mga pulis ng shabu kailangan ay full payment dahil nagagalit sa kanya.

Ibinunyag din ni Kerwin, ilang mga opisyal ng PNP ang binibigyan niya ng SOP.

Kabilang sa  tinukoy ni Kerwin si Chief Insp. Leo Laraga, siyang namuno sa pagsisilbi sa search warrant kay Mayor Espinosa na ikinamatay ng alkalde.

Kuwento ni Kerwin, si Laraga ang kumukuha ng SOP ni retired police General Vicente Loot.

Nasa P120,000 weekly ang kanyang ibinibigay para kina Laraga at Loot.

Para kay Loot ay P100,000 habang kay Laraga ay P20,000 weekly.

Tinukoy ni Kerwin sina Chief Insp. Wilfredo Abordo at isa pang pulis na si Dennies Torepe.

Binigyan niya ng P25,000 si Col. Macanas na dating city director ng Ormoc City.

Inihayag ni Kerwin na taon 2015, binigyan niya ng SOP ang dating regional director ng PRO-8 na si Chief Supt. Dolina.

Isang Victor Espina na siyang tinaguriang bagman ni Dolina ang kumausap kay Kerwin para bigyan ng SOP si Gen. Dolina.

Ayon kay Kerwin, humingi ng nasa P500,000 SOP ni Dolina ngunit hindi niya kaya ang nasabing halaga kayat tumawad siya na gawing P300,000. Idineposito niya ang tseke sa isang account na babae ang may-ari.

Dagdag ni Kerwin, humingi si Dolina ng advance payment sa kanyang monthly SOP para pambili ng bagong sasakyan at mga baril.

CIDG-8 CHIEF MARCOS
TUMANGGAP NG P2.5-M

IBINUNYAG ng sinasabing drug lord ng Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa, tumanggap din ng drug money si Supt. Marvin Marcos, dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 8, na aniya’y ginamit para sa kandidatura ng kanyang asawa na tumakbong vice mayor ng Pastrana, Leyte.

Ayon kay Kerwin, hiniling ni Marcos na magtulungan sila at hihingi ang opisyal ng pabor.

Humihingi aniya si Col. Marcos ng P3 milyon na gagamitin ng asawa para sa kampanya ngunit tumawad si Kerwin dahil masyadong malaki ang hinihinging halaga.

Noong 7 Mayo ay nagbigay si Espinosa ng P1 milyon kay Marcos sa harap ng isang hotel sa Albuera, Leyte at ang kanyang ama na si dating Mayor Rolando Espinosa pa ang nag-abot ng pera.

Nagbigay pa raw si Kerwin ng pera kay Marcos hanggang umabot ang kanyang naibigay sa P2.5 milyon.

Magugunitang si Col. Marcos ang head ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 8 na sangkot sa pagkamatay ni dating Mayor Espinosa.

P8-M SA KANDIDATURA NI DE LIMA
IBINIGAY NI KERWIN KAY DAYAN

ISINALAYSAY ng hinihinalang drug lord sa Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa, kung paano siya nagbigay ng drug money kay noon ay Justice Secretary at ngayon ay Sen. Leila de Lima para gamitin sa pagtakbo bilang senador.

Sa pagharap sa pagdinig ng Senado kaugnay sa pagkamatay ng kanyang amang si Albuera Mayor Rolando Espinosa, sinabi ni Kerwin na Agosto 2015, tinawagan siya ni Albuera Police chief Jovie Espinido na gusto siyang kausapin ng driver at bodyguard ni De Lima.

Nasa Anilao, Batangas siya nang tumawag sa kanya ang driver ni De Lima na noong una ay hindi pa aniya nagbanggit ng pangalan.

Ipinarating ng driver na ipinasasabi ni De Lima na kailangan niya ng pondo para sa eleksiyon.

Inihayag ni Kerwin, hindi agad siya pumayag at sa halip ay tinawagan ang mga kasama sa illegal drug trade na sina Jeffrey Diaz at Tony Co upang kompirmahin kung totoong magbibigay ng proteksiyon si De Lima.

Ayon kay Espinosa, pinatotohanan ito nina Jaguar at Co bagama’t pinayuhan siya na ano man ang mapag-usapan ay itago na lang.

Pagkatapos ng dalawang araw, muli aniyang tumawag sa kanya ang driver ni De Lima.

Sinabi aniya ng driver na ipinararating ni De Lima na dapat magbigay siya (Kerwin) ng P2 milyon bawat buwan.

Ngunit hindi ito kaya ni Kerwin kaya tumawad siya hanggang sa nagkasundo sa P700,000 kada buwan.

Pumayag aniya si De Lima sa P700,000 ngunit kailangan daw niyang magbigay ng goodwill money na P2 milyon.

Ayon sa nakababatang Espinosa, ang unang transaksiyon nila ng driver ni De Lima ay naganap sa parking lot ng Mall of Asia.

Sinabi pa aniya ng driver na ipinasasabi ni De Lima na bago ang eleksiyon ay dapat na makapagbigay siya ng P8 milyon.

Naganap ang pangalawang transaksiyon sa restaurant ni Claire dela Fuente sa Macapagal at aniya ay nagbigay siya ng P1.7 milyon sa driver ni De Lima.

Binubuo aniya ito ng P1000 bills na kanyang inilagay sa plastic at isinilid sa paper bag.

Sa puntong ito, itinanong niya ang pangalan ng driver na nagpakilalang siya si Ronnie Dayan.

Bagama’t nagkaroon aniya siya ng kaunting duda kung napupunta ba talaga kay De Lima ang ibinibigay niyang pera kaya hiniling niya kay Dayan na kung maaari ay makausap niya o makita na magkasama ang driver at ang senador bilang patunay.

Sinabi aniya ni Dayan na magtatakda siya ng petsa kung kailan sila magkikita na siyang naganap sa Baguio dahil hindi sila maaring magkita sa Manila dahil maraming mata ang nakabantay.

Ayon kay Kerwin, Nobyembre 2015 nang maganap ang pagkikita nila ni De Lima sa Burnham Park sa Baguio at ibinigay niya ang pangatlong tranche ng pera na nagkakahalaga ng P2 milyon.

Itinuro lang aniya siya ni Dayan kay De Lima gamit ang kanyang codename na Batman at nagpakuha ng larawan kasama ang kalihim noon ng Department of Justice.

Inulit umano niya kay De Lima na naibigay na niya ang pera kay Dayan ngunit wala silang napag-usapan ng senador.

Noong Pebrero 2016, muli aniya siyang nagbigay ng pera kay De Lima sa pamamagitan ni Dayan, na nagkakahalaga ng P2.3 milyon.

Naganap aniya ang abutan ng pera sa parking lot ng Mall of Asia.

Sabi ni Dayan
PERA MULA KAY KERWIN
PARA KAY LEILA

INAMIN ng dating driver at bodyguard ni Sen. Leila de Lima na si Ronnie Dayan, tumanggap siya ng drug money mula sa tinaguriang drug lord ng Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa.

Sa kanyang pagharap sa Kamara nitong Martes ng gabi, sinabi ni Dayan, ginamit ang perang tinatanggap mula kay Espinosa sa pagtakbo ni De Lima sa pagka-senador.

Limang beses aniya siyang tumanggap ng pera mula kay Espinosa simula noong 2014.

Aniya, utos mismo ang lahat ng noo’y justice secretary na kanyang nakarelasyon ng pitong taon.

Ngunit itinanggi ni Dayan na may natatanggap din siyang pera mula sa drug lords sa New Bilibid Prison.

About Niño Aclan

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *