NAGNEGATIBO sa ano mang uri ng armas, ilegal na droga at iba pang kontrabando ang ikinasang sorpresang “Oplan Galugad” ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela at local na pulisya sa Valenzuela City Jail, kahapon ng umaga.
Pinangunahan ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian at Valenzuela City Police chief, Sr. Supt. Ronaldo Mendoza ang inspeksiyon sa lahat ng mga selda sa apat na palapag na gusali ng Bureau of Jail Management and Penology.
Gamit ng pulisya ang kauna-unahang “sniffer dogs pack” ng lokal na pamahalaan na binubuo ng tatlong breed ng Belgian malinois, dalawang Jack Russel terrier, tatlong Beagles, isang Labrador narcotics sniffer at isang Belgian malinois narcotic sniffer.
Ipinagmalaki ni Mendoza na nagnegatibo ang kanilang inspeksiyon sa ano mang uri ng mga armas, ilegal na droga, at iba pang kontrabando sa mga selda.
Habang ayon kay Gatchalian, isinagawa ang Oplan Galugad upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga bilangguan makaraan ang biglaang pag-akyat ng bilang ng mga bilanggo sa 1,222 dahil sa higit sa 600 sumuko sa pulisya sa ilalim ng Oplan Tokhang.
Kabilang din sa layunin ng operasyon na malaman ang pagiging epektibo ng kanilang “K9 sniffing pack” na gagamitin ng pulisya sa mga ikakasang Oplan Tokhang sa lungsod.
( JUN DAVID )