AABOT sa 199 residenteng napatunayang lulong sa ilegal na droga na una nang sumuko sa pamahalaan sa ilalim ng “Oplan Tokhang” ang ipare-rehabilitate at sasagutin ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang gastos sa rehabilitasyon.
Sinabi ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian, ipadadala ang 199 drug dependents sa Central Luzon Drug Rehabilitation Center sa Magalang, Pampanga. Tatagal ang rehabilistasyon sa loob ng anim buwan.
Samantala, nasa 988 ‘mild to moderate drug users’ ang isasailalim sa ‘Community-based Wellness Program’ para sa kanilang rehabilitasyon na pamamahalaan ng 33 barangay sa lungsod.
Tatagal ang programa ng anim buwan na mahigpit na imo-monitor ng 120 health service coordinators sa mga barangay ang ang drug dependents.
Makaraan sumailalim sa drug rehabilitation program, ang mga matagumpay na makakapagbagong-buhay ay tutulungan ng pamahalaang lokal na makahanap ng trabaho sa pamamagitan ng kapartner nilang mga kompanya.
Tinatayang gagastos ang lokal na pamahalaan ng P6,500 bawat pasyente o kabuuang P39,000 para sa kompletong gamutan. Bukod dito, bibigyan ng ‘food subsidy’ ang pamilya ng mga pasyenteng inaasahan ng kanilang kaanak para sa kanilang ikabubuhay.
Sinabi ni Gatchalian, ang pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang kauna-unahan sa bansa na nakapaglaan ng intensibong programa sa rehabilitasyon ng mga napasukong drug users kasunod ng intensibong kampanya ng Philippine National Police kontra ilegal na droga.
Nauna pa aniya ang kanilang drug rehabilitation program sa inilabas na Memorandum Circular No. 2016-11 ng Department of the Interior and Local Government o ang ‘Masa Masid Program” na nag-uutos sa kaparehong uri ng programa sa mga local na pamahalaan.
( JUN DAVID )