Saturday , November 16 2024

Mark Anthony tiklo sa damo (Positibo sa MJ, negatibo sa shabu)

CAMP OLIVAS, Pampanga – Arestado ang aktor na si Mark Anthony Fernandez makaraan makompiskahan ng isang kilo ng marijuana kamakalawa ng gabi sa lungsod ng Angeles.

Si Fernandez, 37, residente ng 84 Don Rufino St., Tahanan Village, BF Homes, Parañaque City at Rm. 702 Horizon Condo, Don Juico St., Clark Airforce City, Pampanga, ay nasa kustodiya ng Angeles City PNP.

Batay sa report, bandang 8:30 pm nang maganap ang insidente sa McArthur Highway, Brgy. Virgen Delos Remedios sa nabanggit na lungsod.

Napag-alaman, sinita ng mga pulis sa checkpoint ang yellow Mustang na walang plaka ni Fernandez. Nang buksan ang bintana ng aktor ay tumambad ang blue bag na naglalaman ng marijuana.

Ngunit biglang pinaharurot ni Fernandez ang kotse kaya hinabol ng mga pulis hanggang makorner sa San Fernando City.

Sa panayam, inamin ni Mark Anthony, binili niya sa halagang P15,000 sa Angeles City ang hinihinalang marijuana bilang gamot niya pangontra cancer.

“Gamot ko po ‘yon, pangontra cancer. Ang pagkakaintindi ko po ay gusto nilang (gawing legal) ang marijuana, kumbaga ‘di ako nag-atubili na bumili. ‘Di naman po ‘yon mauubos ng isang araw, kumbaga pangmatagalan po ‘yon. Siguro mga isang taon at kalahati na po yon,” ani Mark Anthony.

( RAUL SUSCANO )

POSITIBO SA MJ, NEGATIBO SA SHABU

NASURING positibo ang aktor na si Mark Anthony Fernandez sa paggamit ng marijuana ngunit hindi ng shabu.

Sumailalim si Fernandez drug test makaraan maaresto sa Angeles City, Pampanga kamakalawa ng gabi at nakompiskahan ng isang kilo ng marijuana sa police checkpoint.

Pakiusap ng Actors Guild
NARCO CELEBS SUMUKO NA

NAKIUSAP ang aktor na si Rez Cortez, pangulo ng Katipunan ng mga Artista sa Pelikulang Pilipino at Telebisyon (Actors Guild of the Philippines), sa kapwa artista at mga tao sa likod ng pelikula at telebisyon na gumagamit ng ipinagbabawal na droga, na sumuko na.

Ginawa ni Cortez ang panawagan sa isang panayam sa “Umagang Kay Ganda” nitong Martes, ilang oras makaraan maaresto si Mark Anthony Fernandez sa Pampanga dahil sa pagdadala ng marijuana.

“Nananawagan ako sa mga artista — at hindi lamang sa artista kung hindi sa lahat ng manggagawa sa pelikula at telebisyon — na mag-surrender na tayo bago humantong sa pagkahuli o, sa kasamaang palad, ay nagiging dahilan ng mitsa ng buhay dahil hindi sila sumurender. Binibigyan naman tayo ng pagkakataon ng pamahalaang ito, tawagan lang ako. Puwede rin naman tayong dumiretso sa pulis o sa kapwa natin artista ay puwedeng lumapit at tayo na ang gagawa ng paraan para sa matahimik na surender at kung kailangan ng rehab kami ay tutulong din sa Actors Guild,” ani Cortez.

Pag-amin ni Cortez, ikinalulungkot niya ang sunod-sunod na pagkakaaresto ng ilang kasama sa industriya dahil sa ilegal na droga.

“Nakalulungkot nga na nitong nakaraang mga araw ay hindi lang, kasi ang Operation Tokhang, ang nangyari ay naabatan sila. Ibig sabihin ‘di sila nakinig sa pakiusap ng ating Pangulo (Rodrigo Duterte) at (Gen. Ronald “Bato” dela Rosa). Pati ako, bilang pangulo ng Actors Guild, ay nakiusap din na sumuko na at nakikiusap din ako na huwag pangalanan at huwag nang ilabas ang listahan dahil mga user lamang. Kung sure na drug lord o pusher ay okay lang ‘yon. Pero sa amin sa Actors Guild ay hindi kami titigil sa ganoon. Ang mga users ay biktima. Kung kailangan ay tulungan at kung kailangan ay i-rehab ay tutulungan namin ang aming kasamahan sa industriya,” ani Cortez.

Iginiit ni Cortez, suportado nila ang pamahalaan sa kampanya laban sa illegal drugs at handa aniya ang Actors Guild na tumulong sa mga artista na nais nang sumuko sa pulisya.

“Kahit ang Actors Guild na ang magdala sa kanila sa pulis at sa PDEA… Sa mga kabataan, mayroon din akong nakausap na ibang bagets na (sana) tigilan na at sumurender na at kung kailangan ng rehabilitation ay magtutulungan na lang tayo,” ani Cortez.

Bago ang pagkaaresto kay Mark Anthony ay nahuli rin sa anti-illegal drug operation ng pulisya ang sexy starlets na sila Sabrina M at Krista Miller.

LAWAK NG DRUG NETWORK
NI KRISTA INAALAM — QCPD

BINUBUSISI ng Quezon City Police District kung gaano kalaki ang drug network ng naarestong starlet na si Krista Miller.

Ayon kay QCPD chief, Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, binigyan siya ni Miller ng listahan ng kanyang mga kliyente kabilang ang ilang celebrities.

Babalikan din nila ang kontrobersiyal na pagbisita ng 25-year-old sexy star noong 2014 sa Sputnik gang leader at convicted drug lord na si Ricardo Camata sa ospital sa labas ng New Bilibid Prison, para bentahan ng condominium unit.

Ito ay dahil usap-usapan sa social media kung si Camata ang source ni Miller sa kanyang ibinebentang ilegal na droga.

Unang nadakip nitong Biyernes ang limang indibidwal sa buy bust operation sa Bagumbuhay, Quezon City, kabilang ang FHM magazine models na sina Liaa Alelin Bolla at Jeramie Padolina, na silang tumukoy kay Miller na kanilang supplier ng droga.

Kamakalawa, nang matunton si Miller sa follow-up operation sa Brgy. Gen. Tiburcio de Leon, Valenzuela City, kasama ang nagngangalang Aaron Medina.

About Raul Suscano

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *