ITINANGGI ni PNP chief, Director General Ronald dela Rosa na may ‘kill quota’ na ipinatutupad sa kanilang giyera laban sa ilegal na droga.
Paglilinaw ni Dela Rosa, hindi niya inuutusan ang kanyang mga chief of police na magparamihan nang mapapatay na mga drug suspect.
Sinabi ng PNP chief, walang katotohanan ang lumabas na balita na nagtakda siya ng quota.
Paglilinaw ni Dela Rosa, ang quota aniya na kanyang itinakda ay sa rami ng maaaresto at mapasusukong drug personalities.
Dagdag ng heneral, dito aniya ibinabase ang susunod na kabanata ng karera ng isang opisyal sa PNP.
Paliwanag niya, kapag hindi aniya naabot ang quota sa bilang ng sumusuko at naaresto ay tiyak na matatanggal ang mga pulis sa puwesto.
Kapag naabot o nahigitan pa ang quota, mananatili sa puwesto ngunit walang insentibo na matatanggap.
Ito ay dahil trabaho talaga ng mga pulis ang umaresto at magpasuko ng drug personalities.
Sa pinakahuling datos ng PNP, nasa 1,377 na ang napapatay na drug suspect sa isinagawang police operations.
Nasa 22,500 ang naaresto at higit 732,000 ang sumukong drug user at pusher.
DRUG ADDICTS TINATAYANG
1-M SA DISYEMBRE — DIGONG
TINATAYANG aakyat sa isang milyon ang drug addicts sa bansa pagsapit ng Disyembre.
Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila nang pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga.
Sinabi ni Pangulong Duterte, halos nasa 800,000 na ngayon ang lulong sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot kaya hindi titigil ang gobyerno hangga’t hindi nalilinis ang bansa sa ilegal na droga.
Sa harap nang tumataas na bilang ng drug addicts, iniulat ng Department of Health (DoH) kay Pangulong Duterte na sinimulan na ang Mega-drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa Fort Magsaysay, Laur, Nueva Ecija at inaasahang matatapos ito sa loob ng tatlong buwan o sa unang linggo ng Nobyembre.
HI-END CONDOS ISINALANG SATOKHANG
ISINAILALIM na sa “Oplan Tokhang” o Kapit Bisig Kontra Droga ng Makati City Police ang 59 high-end condominium units at establisimiyento sa nasabing lungsod kahapon ng umaga.
Isinagawa ng pulisya dakong 10:00 am sa pamumuno ni Supt. Alex Fulgar, Assistant to the Chief of Police for Administration (ACOPA), ang “Oplan Tokhang” sa Legazpi Village, Brgy. San Lorenzo Village ng siyudad.
( JAJA GARCIA )