MALUGOD na ibinalita ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, nakamit ng Tahanang Mapagkalinga sa North Caloocan ang Level 1 accreditation ng Department of Social Welfare and Development kamakailan.
Ang Tahanang Mapagkalinga ay isang lokal na sangay ng pamahalaang lungsod sa ilalim ng pangangasiwa ni Robert Quizon ng Caloocan City Social Welfare and Development.
“Ang accreditation na ito ay isa lamang pagpapatunay na may kalidad ang pangangalaga at proteksiyong ibinibigay ng CCSWD sa mga batang ulila at mga inabandona. Nabibigyang prayoridad ang mga aspektong ito,” ani Malapitan.
Sa liham ni DSWD-Standards Bureau Marites Maristela kay Malapitan, nabanggit na “the local government unit has met the delivery of quality services for the welfare of the disadvantaged clients, geared toward family reunification.”
Sa assessment ng DSWD, nagkamit ng mataas na antas ang Tahanang Mapagkalinga sa mga sumusunod: organizational and management, human resource development, helping process, case recording and documentation, homelife atmosphere, facilities and accommodation, educational services, at medical-psychological-dental services.
Ayon kay Malapitan, lalo pang pag-iibayohin ang pagkalinga sa mga batang nasa ilalim ng kanilang kalinga at gagawin ang lahat ng kanilang makakaya na maisalba ang mga batang lansangan sa ano mang kapahamakan.
( JUN DAVID )