HINDI biro-biro ang mga akusasyon ng isang aminadong miyembro ng “Davao Death Squad (DDS)” laban kay President Duterte sa isinagawang pagdinig sa Senado kaugnay ng “extrajudicial killings.”
Ayon kay Edgar Matobato, sa simula ay bahagi umano siya ng grupo ng mga bayarang mamamatay-tao na Lambada Boys, na kinalaunan ay nakilala bilang DDS. Dati raw siyang kasapi ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) bago mapabilang dito.
Pero ang nakapaninindig balahibo at mahirap paniwalaan sa mga rebelasyon ni Matobato ay si Duterte raw ang nag-utos sa kanila na bombahin ang mga mosque ng Muslim. Ito raw ay bilang ganti sa pambobomba sa Davao Cathedral noong 1993.
Si Matobato raw ang nagtapon ng granada. Mabuti at walang nasawi dahil walang tao at simba sa araw na iyon.
Naroon daw si Matobato sa opisina kasama ang mga opisyal ng lungsod kaya nakatitiyak siya na si Duterte ang nag-utos ng pambobomba.
Inutusan din umano sila na hulihin at patayin ang mga suspek na Muslim sa pagpapasabog ng Davao Cathedral na kanilang sinunod. Inilibing daw nila sa quarry na pag-aari ni Benjamin Laud.
Inamin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na siya ang abogado ni Laud noong nabubuhay pa. Pero hanggang sa mamatay ay walang kaso na naisampa laban sa kanya kaugnay ng pamamaslang ng DDS. Ang mga buto raw na nahukay sa kanyang lupa ay sa mga biktima ng mga Hapon noong panahon ng giyera na ibinaon doon.
Bukod pa rito, ibinunyag ni Matobato na apat na bodyguard ni dating House Speaker Prospero Nograles ang dinukot at pinaslang noong 2010 sa utos daw ni Duterte. Itinanggi ito ng kampo ni Nograles.
Ang mamamahayag ng Davao na si Jun Pala na pinaslang noong 2003 ay sa utos din umano ni Duterte.
Maging ang anak ni Duterte na si Paolo ay nagpapatay raw sa bilyonaryong negosyante na si Richard King noong 2014. Tahasan itong itinanggi ni Paolo na nagsabing “hearsay” lang ang naturang akusasyon.
Ayon kay Aguirre ay pawang kasinungalingan ang testimonya ni Matobato. Tinuruan lang daw ni Senator Leila de Lima ng kanyang sasabihin. Nais daw kasi nitong pahinain ang testimonya ng mga tetestigo laban kay De Lima at mag-uugnay sa senadora sa droga sa New Bilibid Prison.
Totoo man o hindi ay dapat siyasatin ang mga pahayag ni Matobato, upang matuklasan kung tunay na makabuluhan ang testigo o isang panggulo lang sa kaso. Ano sa palagay ninyo?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.