MUKHANG nahaharap daw sa asunto ang ilang personalidad sa Legal Division ng Bureau of Immigration (BI) matapos mag-file ng complaint sa DOJ at Ombudsman ang nanalong Congresswoman ng 3rd District of Nueva Ecija na si Rosanna “Ria” Vergara.
Bago raw ang huling eleksiyon ay kumuha ng certification of dual citizenship (9225) sa BI ang isang supporter ng kalaban ni Congresswoman elect Ria Vergara.
Dahil sa hindi malamang dahilan ay nag-issue ang Legal Division ng certification na wala raw kaukulang dual citizenship ang nanalong mambabatas.

Pero sa kasamaang palad, nakaligtaan yata nilang i-verify sa Philippine consulate abroad ang status ni Cong. Vergara na roon pala nai-file at na-grant ang dual citizenship!
Paktay kang bata ka!
At ngayong nanalo nga ang nasabing congresswoman, siya naman ang reresbak sa ilang mga taga-Legal na gustong manlaglag sa kanya.
Inangkupo!!!
Daig n’yo ang kumuha ng batong ipinukpok sa ulo ninyo!
Ang tanong, kanino dapat isisi ang palpak-to-the-max na problemang ito?
Matatandaan, sa opisina ng 9225 nabulilyaso ang isang abogago este abogado na nagtangkang magpalusot ng dual citizenship para sa isang Syrian citizen na si Nade Briek.
Dahil sa eskandalong ito ay napaaga ang pagtsugi noon kay ex-Commissioner Ricardo David Dayunyor.
Sa kasalukuyang administrasyon dapat siguro na huwag ipagwalang-bahala ang isang ‘maliit na opisina’ gaya ng 9225 dahil noon pa man ay napakarami na umanong hokus pokus na nangyayari riyan?!
Huwag ninyon ismolin dahil may kasabihan, maliit lang ang puwedeng makapuwing!
MAY HAPPY AT UMIIYAK
NA PUNERARYA!

HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com