PATAY ang limang lalaking hinihinalang sangkot sa droga makaraan pagbabarilin ng pinaniniwalalang mga miyembro ng Caloocan Death Squad (CDS) sa magkakahiwalay na lugar sa Caloocan City.
Hindi na umabot nang buhay sa Tala Hospital si Richard Genova, 31, nang pagbabarilin ng riding-in-tandem suspects sa harap ng kanilang bahay sa 1643 CDY Barracks, Tala, Brgy. 186 dakong 8:00 pm kamakalawa.
Dakong 1:50 am kahapon nang barilin ng hindi nakilalang mga suspek si Edgardo Rivera, Jr., 36, sa labas ng kanilang bahay sa Block 9, Lot 11, Phase 5, Villa Enrico Heights, Brgy. 171 Bagumbong.
Si Edwin Adani, 37, ay pinagbabaril dakong 1:00 am kahapon sa Brgy. 176.
Dakong 2:00 am kahapon, natagpuang walang buhay ang hindi nakilalang biktima sa isang bakanteng lote sa Waling-Waling at Sampaguita Streets, Brgy.175, Camarin.
Samantala, dakong 10:00 pm kamakalawa nang pagbabarilin si Gaspar Grate, 43, sa harap ng Puerto Store sa Package 4, Phase 5A, Block 23, Lot 23, Bagong Silang, Brgy.176. (ROMMEL SALES)
Sa Pasig City
4 DRUG SUSPECT
UTAS SA VIGILANTE
APAT hinihinalang sangkot sa droga ang pinaniniwalaang pinatay ng vigilante group sa magkakahiwalay na insidente sa Pasig City.
Dakong 2:00 am kahapon nang pagbabarilin ng hindi nakilalang mga suspek si Amirudin Sani, 27, Leticia Village, Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.
Habang dakong 11:40 pm kamakalawa nang pagbabarilin ng hindi nakilalang mga suspek sina Bonifacio Antonio, 55, at Mario Rosit, habang nag-iinoman sa harap ng isang bahay sa Brgy. Rosario ng lungsod.
Samantala, isang hindi nakilalang lalaki ang binaril sa kanto ng P. Conducto St., at Dr. Sixto Antonio Ave., Brgy. Caniogan dakong 10:10 pm kamakalawa.(ED MORENO)
MAG-AMANG TULAK
TIGBAK SA BUY-BUST
PATAY ang mag-amang hinihinalang mga tulak ng droga makaraan makipagbarilan sa mga pulis sa buy-bust operation kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.
Hindi na umabot nang buhay sa Manila Central University (MCU) Hospital ang mag-amang sina Luisito Bonifacio, 44, at Gabriel, 18, kapwa residente ng 86 Masikip St., Brgy.146, Bagong Barrio ng nasabing lungsod.
Batay sa ulat nina PO3 Harold Jake Dela Rosa at PO3 Billy Villanueva, dakong 1:30 am nang isagawa ang buy-bust operation sa bahay ng mag-ama.
Ngunit nang makatunog si Luisito na pulis ang katransaksiyon ay pinaputukan niya ang mga awtoridad. Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng mag-ama.
(ROMMEL SALES)
2 PATAY SA OPLAN TOKHANG SA PASAY
PATAY ang dalawang lalaki makaraan makipagbarilan sa mga pulis sa ipinatupad na “Oplan Tokhang kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Pasay City Police chief, Sr. Supt. Nolasco Bathan, kinilala ang mga suspek na si Gerald Bituaran, ng Brgy. 193 ng siyudad, at isang alyas Jessie.
Ayon sa ulat ng pulisya, dakong 6:00 pm, ipinatupad ang “Oplan Tokhang” sa ilalim ng Cut-Cut Bridge, NAIA Road, sa panulukan ng Verbena St., Brgy. 199 ng lungsod ngunit pumalag ang mga suspek na nagresulta sa palitan ng putok.
Gumanti ng putok ang mga pulis na ikinamatay ng mga suspek.
(JAJA GARCIA)