PANAHON pa ng kampanya ay alam na ng lahat na madalas magmura si President Duterte at pangkaraniwan ito sa kanyang pananalita.
Ikinatuwa nga ng lahat nang mabawasan ang mga pagmumurang ito mula nang maupo siyang pangulo ng bansa. Unti-unti siyang nakitaan ng pagkilos at pananalita na angkop para sa isang pangulo.
Pero paminsan-minsan kapag nagkaroon ng dahilan para siya ay magalit, nakapagbibitiw pa rin si Duterte ng pagmumura bilang ekspresyon.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, ganito ang naganap nang tanungin si Duterte ng isang mamamahayag bago lumipad patungong Laos sa posibilidad na kuwestyonin siya ni US President Obama sa isyu ng karapatang pantao sa kanilang pagtatagpo.
Nakapagmura si Duterte sa harap ng international media at binigyan nila ito ng interpretasyon na ang sinabi ng Pangulo ng Filipinas ay nakadirekta para kay Obama. Ipinalabas nila na ininsulto ni Duterte ang presidente ng Amerika.
Kasunod nito ay nagpahayag ang US State Department na ang nakatakdang pagtatagpo nina Duterte at Obama ay naipagpaliban sa ibang pagkakataon.
Naglabas ng official statement si Duterte na ang kanyang sinabi ay hindi nakadirekta kay Obama at hindi ito dapat ituring na insulto.
Ayon kay Piñol na isa rin dating mamamahayag, ang pagmumura ni Duterte na tulad din ng pagmumura ng mga Español, ng mga Visaya at ng mga Tagalog ay hindi isang insulto.
Sa pagdaan ng mga henerasyon ay patuloy na ginamit ito bilang ekspresyon ng katuwaan, paghanga, pagkabuwisit, sama ng loob, o kahirapan nang depende sa nararamdaman ng nagsabi nito sa mga sandaling iyon. Sa madaling salita ay pangkaraniwang ekspresyon na ito ng maraming tao.
Inilinaw ni Piñol na nagiging masama ang kahulugan nito kapag dinugtungan ng “mo” dahil may pinatatamaan at maliwanag na pang-iinsulto.
Ang pagmumura ni Duterte sa harap ng international media ay ekspresyon ng galit at hindi pang-iinsulto kay Obama. Hindi lang natin batid kung hindi talaga alam ng mamamahayag na ekspresyon lang ito ni Duterte, na kataka-taka lalo na’t noon pa nababalita na mahilig siyang magmura.
Kapuri-puri na kapag nagsasalita si Obama sa harap ng mga pinuno ng bansa kahit tungkol kay Duterte ay maingat sa mga salitang ginagamit.
Sa ASEAN summit ay inilantad ni Duterte ang mga paglabag sa karapatang pantao ng mga sundalong Amerikano sa mga Moro sa Mindanao. Gayunman ay kapuna-puna na hindi na siya nagmura at kontrolado na ang emosyon, na karapat-dapat para sa isang pangulo.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.