KINOMPIRMA ni Pangulong Rodrigo Duterte, may basbas niya ang serye nang pagpatay ng mga awtoridad sa sinasabing drug users at pushers mula nang maluklok siya sa Palasyo.
Wala aniya siyang pakialam sa human rights sa isinusulong na giyera kontra droga dahil sinisira ng mga sangkot dito ang Filipinas.
“P—— i— kayo. Hindi kayo nag-isip kung saan natin ilalagay ang problemang ito? Buti na lang ako ang presidente. Talagang ipapatay ko kayo. Kita mo ‘yung ginawa mo sa Filipinas? Tapos patawarin ko?” aniya sa panayam sa Davao City kamakalawa ng madaling araw.
“Kaya my order is shoot to kill kayo. Wala akong pakialam sa human rights. Maniwala ka. I don’t give a sh*t kung ano sabihin. This war against drugs, nagkaroon tayo ng crisis eh,” dagdag niya.
Inutusan din niya ang pulisya na huwag nang imbestigahan ang mga insidente nang sinasabing pakikipag-engkuwentro ng pulis sa drug users at pusher dahil direktiba niya ito.
“And ako I will for as long as it is done in the performance of as duty by the soldier and the police, akin ‘yan that is my official and personal guarantee. I will answer for the deed. Punta ka sa akin, kung sino kesehoda gustong mag-usap tayo. Basta sabihin mo, pag may pulis diyan nag-enkwentro ‘wag n’yo na imbestigahan ‘yan. Order ko ‘yan,” sabi niya.
Kapag ginawa ng pulis o sundalo ang pagpaslang sa kriminal ay garantisadong suportado niya ang mga ito .
( ROSE NOVENARIO )