International media pumalag sa pahayag ni Duterte
jsy publishing
June 4, 2016
Opinion
MAGING ang international media ay pumalag sa kontrobersyal na pahayag ng bagong mauupong Pres. Rodrigo Duterte na maraming mamamahayag sa bansa ang pinaslang dahil sangkot sa korupsiyon.
Bukod sa pagiging sangkot sa korupsiyon, may mga napaslang dahil kahit nabayaran na raw ay bumabaligtad pa at binabatikos ang nagbayad sa kanila.
Binanggit ni Duterte na may kilala umano siyang commentator sa radyo sa Davao City na pinaslang dahil sa pagiging ‘corrupt.’ Ganu’n pa man ay wala naman iprenisintang ebidensiya si Digong na susuporta sa kanyang ibinunyag.
Maliwanag pa sa sikat ng araw na nasaktan ang grupo ng international media sa pahayag ni Duterte kaya pumalag sila.
Ayon sa Committee to Protect Journalists (CPJ), puwedeng maging killing field para sa mga journalist ang ating bansa dahil sa naturang pahayag ni Duterte na nagbibigay-katwiran sa extra judicial killings sa mga mamamahayag.
Inudyukan naman ng grupong Reporters Without Borders ang media sa bansa na i-boycott ang mga press conference ni Duterte hangga’t hindi humihingi ng paumanhin. Pero ang matapang at tigasin na si Duterte ay nagpahayag na hindi siya magso-sorry sakanyang mga sinabi.
Ayon sa International Federation of Journalists, ang Filipinas ay pumapangalawa sa mga pinakadelikadong bansa para sa mamamahayag mula pa noong 1990. Ang nangunguna ay Iraq pa rin.
Maging ang mga taga-media sa ating bansa ay hindi matanggap ang sinabi ni Digong.
Maraming mamamayan din ang pumalag. May nagsabi na ang naturang pahayag ni Duterte ay
hindi dapat o angkop sa isang pangulo.
Nauna ko nang sinabi na maaaring ang pahayag ni Duterte ay batay sa nakita niyang insidente na naganap sa Davao City, at hindi sumasalamin sa kabuuan ng taga-media sa bansa.
Kaibigan ko si Digong at batid naman ng lahat na galit siya sa mga gumagawa ng krimen.
Nakapagsalita man siya batay sa isang kaganapan sa Davao ay tiyak na hindi niya palalagpasin ang mga kriminal na nasa likod ng pamamaslang sa taga-media.
Ngayon pa nga lang ay nangangatog na sa takot ang mga damuhong sangkot sa droga dahil alam nilang target sila ng susunod na administrayon.
Akalain ninyong may “closing-out sale” pa raw na inaalok ang mga drug lord para maubos ang kanilang tinda. Ang iba ay may alok na “shabu now pay later” sa kanilang mga kostumer. Ibig bang sabihin nito ay balak na nilang itigil ang ilegal nilang negosyo, mga mare at pare ko, upang makaiwas sila sa aresto?
Manmanan!
***
TEXT 0905-6767673 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.