Winners sa Metro Manila iprinoklama ng Comelec
Hataw News Team
May 11, 2016
News
KATULAD sa national elections, naging mainit din ang labanan sa local polls sa Metro Manila, ang mga kandidato mula sa political families at mga alyansa ay naging pukpukan din ang sagupaan.
Sa Makati City, muling nakuha ng pamilya ni Vice President Jejomar Binay ang lungsod sa panalo ni Congresswoman Abby Binay at proklamasyon kahapon bilang bagong mayor.
Ang nakababatang Binay ay nakakuha ng 153,487 votes, habang si incumbent Mayor Kid Peña ay nakakuha ng 137,803.
Ang running mate ni Binay na si Monique Lagdameo, ay nanalo rin bilang vice mayor, sa 166,450 votes.
Ang mister ni Binay, si Luis Campos, ang nangunguna sa congressional race sa 74,205 votes, papalitan ang kanyang misis bilang kinatawan ng second district ng Makati.
Tumakbo si Abby Binay bilang mayor makaraan iutos ng Office of the Ombudsman ang pagsibak sa kanyang kapatid na si dating Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr., noong Oktubre 25 dahil sa “grave misconduct and dishonesty” kaugnay sa sinasabing overpriced Makati parking building project.
Sa lungsod ng Maynila, si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada ay nanalo sa pangalawang termino bilang alkalde, sa mahigpit na laban sa katunggaling si Alfredo S. Lim.
Idineklara si Estrada na nanalo sa mayoralty race sa Maynila ng city board of canvassers kahapon, makaraan makakuha ng 283,149 votes.
Habang si Lim ay nakakuha ng 280,464 votes.
Nag-concede ang isa pang mayoralty candidate ng lungsod na si Rep. Amado Bagatsing.
Si Honey Lacuna ang nagwagi bilang bise alkalde ng lungsod.
Sa Muntinlupa City, naging tensiyonado ang situwasyon nang akusahan ng mga supporter ni mayoralty candidate Aldrin San Pedro nang pandaraya ang kampo ni winning candidate Jaime Fresnedi.
Nagprotesta ang mga supporter ni San Pedro sa harap ng town hall nitong Lunes ng gabi.
Nagpang-abot ang grupo at ang mga pulis kaya napilitan ang mga awtoridad na bugahan sila ng tubig.
Pagkaraan ay pinakiusapan ni San Pedro ang kanyang mga tagasuporta na itigil na ang protesta.
Samantala, si dating Bureau of Customs (BOC) commissioner Rozzano Rufino “Ruffy” Biazon ang iprinoklamang kinatawan ng lone district ng lungsod.
Kabuuang 128, 844 votes ang nakuha ni Biazon habang 69,131 votes ang karibal na si Ronnie Ricketts.
Si Celso Dioko ang nanalong bise alkalde.
Ang iba pang mga kandidatong iprinoklama kahapon bilang nanalo ay sina reelectionist Guia Gomez bilang alkalde ng San Juan City; at incumbent councilor Janella Ejercito, anak ni Senador Jinggoy Estrada, bilang vice mayor.
Sa Quezon City, si re-electionists Quezon Mayor Herbert Bautista at Vice Mayor Joy Belmonte ang nanalo sa halalan.
Ang iba pang nanalong alkalde at bise alkalde ay sina Las Piñas Mayor Imelda Aguilar at Vice Mayor Louie Bustamante; Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos at Vice Mayor Anthony Suva; Pasig City Mayor Bobby Eusebio at Vice Mayor Christian Bernardo; Taguig Mayor Lani Cayetano at Vice Mayor Ricardo Cruz Jr.; Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian at Vice Mayor Natividad Borja Lorie.