Digong Bongbong nanguna (Sa Comelec unofficial, partial result, Lim, Malapitan umarangkada kontra sa kalaban)
Hataw News Team
May 10, 2016
News
NANGUNGUNA si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa 2016 presidential elections, base sa partial and unofficial results mula sa transparency server ng Commission on Elections.
Sa inisyal na canvassing, nakakuha si Duterte ng 9,039,620 boto.
Habang si Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang nangunguna sa vice presidential race na nakuha ng 7,223,906 boto, kasunod si Camarines Sur Representative Leni Robredo, 6,469,046.
Si Duterte ay sinusundan ni independent senator Senator Grace Poe, 5,141,531.
Si administration standard bearer Mar Roxas ay pangatlo sa botong 4,256,268; pang-apat si Vice President Jejomar Binay, 2,631,595; si Senator Miriam Santiago ay panglima sa botong 821,381; at si yumaong Congressman Roy Señeres ang pang-anim at panghuli sa botong 11,021.
Sa vice presidential race, sina Marcos at Robredo ay sinusundan nina Senators Alan Peter Cayetano, 2,729,464; Francis Escudero, 2,301,509; Antonio Trillanes IV, 383,282; at Gringo Honasan, 334,362 ayon sa pagkakasunod-sunod.
Binigyang-diin ni PPCRV Communications Head Anna De Villa, hepe ng PPCRV Command Center Operations, “no conclusions or trends” ang maaari nang ilabas mula sa partial result na ito.
“Matagal pa po ito,” aniya.
Sa partial and unofficial results ay hindi pa kabilang ang resulta mula sa local and overseas absentee voting.
Sa Maynila, umarangkada si Mayor Alferdo Lim sa botong 325, 178 kontra sa pumangalawang si Joseph Estrada sa botong 162,677.
Sa ulat mayroong 992,891 ang kabuuang bilang ng mga rehistradong botante sa Maynila.
Malapitan landslide sa Caloocan
HINDI nakuhang talunin si incumbent Mayor Oscar ‘Oca’ Malapitan sa Caloocan City, ng kanyang katunggaling si Enrico Recom Echiverri, kahit pa sinabing dinala ng Iglesia ni Cristo (INC).
Base sa resulta ng Comelec halos kalahati ang lamang ni Oca kay Recom.
Maging ang buong Team Oca lumamang sa kanilang kalaban.
Isa lamang ang ipinakikita ng naging resulta ng naturang halalan, maliwanag sa mga taga-Caloocan na may mga nagawang maganda si Malapitan para sa ikauunlad ng kanilang lungsod, kaya muli nilang iniluklok si Oca bilang alkalde.
Nadama ng mga taga-Caloocan na sadyang “Tao ang Una” kay Oca, at handang maglingkod nang tapat sa kanyang nasasakupan.
Iisa rin ang naging hangarin ng mga mamamayan ng Caloocan, ang magtuloy-tuloy na makilala ang Caloocan sa buong bansa na mayroong pinakamagandang record sa kasaysayan ng iba pang lungsod.
Nagpasalamat si Malapitan sa mga taga-Caloocan na nagbigay sa kanya ng tiwala upang muli niyang mapaglingkuran.
“Salamat po sa inyong walang sawang pagtitiwala,” ani Mayor Oscar Malapitan.