‘Wag iboto mamamatay tao – Simbahan
Hataw News Team
May 9, 2016
News
HINIMOK ng Simbahang Katoliko ang taumbayan na maging maingat sa pagpili ng kanilang ihahalal na Pangulo ngayong araw sa kanilang pagtungo sa mga presinto upang bumoto.
Ayon kay Archbishop Socrates Villegas, pangulo ng makapangyarihang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), hinihiling niya na huwag ihalal ng mga tapat na Katoliko ang kandidato na aminadong isang mamamatay tao.
“Kahit ano pa ang motibo, ang pagpatay ay isang krimen at isang kasalanan, kriminal o awtoridad man, ang gumawa nito,” giit ng Arsobispo.
“Bilang paalala sa mga deboto at tagasunod ng simbahan, sa ika-7 utos ng Diyos kay Moises: ‘Huwag kang papatay.’”
Ipinaalala ni Archbishop Villegas na hindi maaaring magbigay ng katuwiran ang anumang makakamit sa bandang huli kung gagamitin ang karahasan sa kagustuhang mapairal lamang ang kaayusan at kapayapaan sa bansa.
Hindi ikinaila ng Arsobispo ang kanyang pagkadesmaya kay Duterte base na rin sa mga sinasabi at ginagawa ng Davao City mayor. Noong nakaraang buwan, nagpaskil ang CBCP President ng video ng rape joke ni Digong sa rape/slay victim na si Australian missionary Jaqueline Hammill sa kanyang official Twitter account.
“Judge for yourself if this is the right choice. I will keep my personal judgment to myself. This video can help,” sabi ni Villegas sa kanyang Twitter post noong Abril 17.
Nilinaw muli ng Arsobispo para sa mga mananampalatayang Katoliko ang napakalaking kaibahan ng tama at mali.
“Mayroong napakahalagang kaibahan ang tama at mali at hindi lahat ay patas pagdating sa mundo ng politika. Ngunit ang pagpili ng isang kandidato na magdudulot ng panganib gayon din ang nakaririmarim na kawalan ng moralidad ay hindi nararapat gawin ng isang tapat na Katoliko,” pagsusumamo ni Villegas sa taumbayan.