Leni suportado ng gambling lord? (Biggest spender)
Hataw News Team
May 9, 2016
News
TALIWAS sa kanyang pagiging simple, natukoy na si vice presidential candidate Leni Robredo ang may pinakamalaking ginastos sa kanyang kampanya kung ikokompara sa lahat ng kandidato sa pagkapresidente.
Kamakailan, lumabas sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na sinasabing ayon sa Nielsen Media’s monitoring data, nanguna sa paggastos sa advertisement si Robredo mula nang magsimula ang kampanya noong Pebrero 9 hanggang Marso 30, 2016.
Lumilitaw na P237.2 milyon ang nagastos ni Robredo sa advertisement placements sa loob lamang ng 50 araw. Ang bill nito ay nasa 43.63 porsiyento ng kanyang puwede lamang gastusin sa buong halalan.
Pumutok na rin ang ulat na hinihinalang sinusuportahan ng malalaking gambling lord si Robredo makaraang iendoso ni Pampanga Gov. Lilia Pineda kasabay ng pangako ng solidong boto ng probinsiya para sa LP, na may 1.2 milyong registered voters.
Si Pineda ay asawa ni Rodolfo “Bong” Pineda, hinihinalang jueteng lord sa Pampanga.
Hindi binanggit ni Leni sa publiko ang dahilan ng kanyang pakikipag-alyansa kay Ginang Pineda gayong alam naman niya na ang mister nito ay may koneksiyon sa jueteng. Tahimik rin si Leni sa dahilan kung bakit niya tinanggap ang suporta ng pamilya Pineda.
Taon 2012, sa harap mismo ni Gov. Pineda ay iniutos ni dating DILG secretary Mar Roxas ang pagsugpo ng jueteng sa Pampanga pero ngayong eleksiyon ay nakitang nakipag-alyansa na ang pamabato ng administrasyon sa mga Pineda, ayon sa mga Pampangueño.
Pinangangambahang magpatuloy na maging “untouchable” ang mga Pineda kapag si Leni umano ang nagwagi sa halalan dahil sa kulturang utang na loob ng mga Filipino.
Sa 2014 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), idineklara ni Robredo na mayroon lamang siyang P8 milyon networth kung kaya sinabing isa siya sa pinakamahirap na miyembro ng Kamara.
Sumunod na biggest spender si Sen. Francis Escudero na P236.2 milyon. Pumangatlo si Senador Allan Peter Cayetano na gumastos ng P172.4 milyon sa loob din ng 50 araw.