Leni ‘sumuso’ rin sa DAP
Hataw News Team
May 8, 2016
News
BINANSAGAN ng isang grupo ng mangingisda si Camarines Cong. Leni Robredo na isang ipokrita dahil sa pagsasabing sya ay malinis sa kabila ng pagka-sangkot nya sa ma-anomalyang Disbursement Acceleration Program (DAP).
Sinabi ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya-Pilipinas) na may direktang pakinabang si Robredo sa pagkaka-antala ng isang proyekto na itinayo nang dahil sa DAP dahil sya ang proponent nito.
Ayon kay Salvador France, Vice Chairman ng Pamalakaya, si Robredo ang proponent ng Municipal Fish Port sa Calabanga, Camarines Sur na may budget na P275 milyon. Ngunit sa naturang budget, P78 milyon lamang ang na-release para sa konstruksyon ng fish port mula sa DAP bago ito madeklarang unconstitutional ng Supreme Court.
Ngunit hindi lahat ng P78 milyon ay nagamit dahil P68 milyon lamang ang ini-release para sa fish port. Dahil dito ay hindi pa masyadong na-uumpisahan ang project.
Subalit kahit hindi natapos ang proyekto, nadiskubre ng Pamalakaya na ito ay binibigyan ng P14 milyon na budget ng pamahalaan para sa kanyang “maintenance expenses.”
“Talagang malansang-malansa ang proyekto na ito ni Leni Robredo dahil bakit ito bibigyan sa maintenance expense kung hindi pa halos ito nauumpisahan,” ani ng France.
Sinabi din ni France na sa kabila ng kanilang mga pakiusap na magbigay ng accounting sa proyekto, hanggang ngayon ay wala pa rin report kung paano nagamit ang na-release na budget ukol dito.
Bukod sa hindi pa halos ito nauumpisahan, ang mga naunang trabaho dito sa paglagay ng daan ay mukhang substandard. Ito ay ayon kay Calabanga Mayor Eduardo Severino dahil may mga cracks na ang mga bagong daan na nilagay para dito.
Tinuran ni France na maaring nilalagay lamang sa campaign funds ni Robredo ang budget para dito kasama na ang maintenance expense. “Ginagawang gatasan ang mga interes ng mga mahihirap na mangingisda natin. Mahirap na nga sila ay lalo pa silang nagagamit upang mahalal sa pwesto ang mga taong dapat nagtataguyod sa kanila,” ani France.
Si Robredo ang nagtala ng pinaka-malaking gastos sa campaign advertisements nito dahil nakagastos na ito ng mahigit P400 milyon sa mga campaign advertisements pa lamang nya.
Ani France, “saan nya nakuha ang napakalaging gastos na ito? Kung meron lamang syang P8 milyon ayon kanyang SALN, saan nya kinuha ang P400 milyon. Imposibleng ganun karami ang donors nya. Malamang ito ay galing sa gobyerno na dapat ay ibinibigay sa mga mahihirap,” sabi ni France.