Survey, maniobra sa resulta labanan (Chiz nanawagan)
Hataw News Team
May 7, 2016
News
“ADMINISTRASYON lamang ang may kakayahan at naka-handang mandaya, walang iba.”
Mariing inihayag ito ni independent vice presidential bet Sen. Chiz Escudero sa Kapihan sa Senado sa tanong ng media hinggil sa agam-agam ng ilang sektor laban sa malawakang pandaraya na maaaring isagawa sa darating na halalan.
Iginiit ni Escudero, katambal ni Sen. Grace Poe, ang banta ng pandaraya ay laging nakaamba tuwing eleksiyon, kaya binalaan niya ang mamamayan at mga botante, na magbantay at magmatiyag laban sa iregularidad sa pagboto at sa bilangan.
Dagdag ng senador mula sa Bicol, ang sunod-sunod na pagpapalabas ng survey ng ilang kuwestiyonableng grupo habang papalapit ang araw ng botohan ay lalong nakapagpapalala sa pagdududa ng mamamayan na ito ay ginagamit upang ikondisyon ang isip ng publiko para madaling matanggap ang resultang pabor sa mga manok ng administrasyon.
“Yun ang nakatatakot at nakapangangamba sa mga survey na kaliwa’t kanang naglabasan mula sa kung ano-anong grupo. Mukhang bahagi ng mind conditioning nila kaugnay sa gusto nilang maging resulta sa halalan,” paliwanag ng beteranong mambabatas.
Sa kabila nito, kompiyansa umano si Escudero na mas nakahihigit ang bilang ng mga botante na boboto sa kandidatong nais nilang iupo, batay sa personal nilang pagtitimbang, at hindi ayon sa panlilinlang ng survey at minanipulang numero
“Buo ang kompiyansa ko sa ating mga kababayan. Maski nga sa sabungan may tumataya sa llamado, may tumataya pa rin sa dehado. Ang tao tataya at boboto kung sino talaga ang kanilang kursunada, hindi kung sino lamang ang nagkataong llamado o dehado sa partikular na panahon ng halalan.”
Sinabi rin ng senador na beterano ng limang eleksiyon, sa nagdaang mga halalan sa bansa, wala ni isang survey ang tumama ng hula sa eksaktong resulta ng botohan. Ngunit, ayon kay Escudero, may isang bagay umanong paulit-ulit na napatunayan ng mga survey – “sa bawat pagkakataon, lagi at nananatiling malaki ang posibilidad na nagpapalit ng desisyon ang ating mga kababayan, hanggang sa kahulihulihang sandali, upang iboto ang kandidatong pinili.”
“Alalahanin ninyo noong 2010, double digits din ang lamang ni Secretary Roxas sa pagka-vice president. Double digits din ang lamang ni Senator Villar kay President Estrada pero nagbago o lumiko sa ibang resulta ang halalan,” ayon kay Escudero.
“Hindi ko sinasabing ‘yon ang mangyayari ngayon, kada eleksiyon ay unique at kakaiba. Ang sinasabi ko lamang, nangyari na noon at posibleng mangyari din ngayon.”