‘Pag disente ‘di madaya? (Mar-Leni sinita ni Chiz)
Hataw News Team
May 7, 2016
News
“PINASUSULINGAN ng dumi sa kampanya ng Liberal Party (LP) ang mga binitiwang salita nina Mar Roxas at Leni Robredo na sila ay disente at may kabutihang-asal.”
Ito ang mariing inihayag ni vice presidential candidate Sen. Chiz Escudero sa hamon ng LP presidential bet na si Roxas na magpresenta ng pruweba na tanging ang mga kandidato ng administrasyon ang may kakayahang mandaya sa halalan.
Pinasaringan din ni Escudero si Roxas na ang disenteng tao ay may delicadeza at hinding-hindi gagamit ng posisyon, poder at pondo ng gobyerno sa kampanya at sariling kapakanan sa politika.
“Ang disente, may delicadeza. Ang disente, noon pa man ay nag-resign na sa cabinet post para hindi masabi na ginagamit ito para sa kampanya. Ang disente, hindi gumagamit ng gov’t resources para lumamang sa katunggali,” marring pasaring ni Chiz kina Roxas at Robredo.
Ilang buwan bago opisyal na maging katambal ni Sen. Grace Poe, nagbitiw si Escudero bilang Chairman ng makapangyarihang Finance Committee ng Senado at Co-Chairman ng Joint Congressional Oversight Committee on Public Expenditures noong nakaraang Hulyo upang tiyakin na ang pagtalakay sa election year budget ng gobyerno ay hindi pagdudahan o mabahiran ng pamomolitika.
Malaking kaibahan umano ang ginawa ni Escudero sa hakbang ni Roxas na bumaba lamang sa puwesto bilang kalihim ng DILG noong Setyembre, dalawang buwan matapos iendoso ni Aquino ang kandidatura bilang presidente.
Dalawang araw bago ang botohan, laganap pa rin ang mga ulat tungkol sa mga opisyal ng gobyerno na namumudmod ng pera sa mga opisyal ng barangay para iangat ang bilang ng boto ni Roxas at Robredo.
Maging ang mga benipisyaryo ng programang CCT o 4Ps ay nagsasabing inalok sila ng pera kapalit ng pagsuporta sa tiket ng administrasyon.
Binatikos ng Bicolanong senador si Roxas at Robredo dahil sa madaya at kuwestiyonableng paggamit ng Daang Matuwid bilang palayaw sa opisyal na balota.
“Ang disente, hindi gagamit ng Daang Matuwid sa balota para lang makasakay sa proyekto ng gobyerno sa buong bansa,” ayon kay Escudero.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, ang paggamit ng nabanggit na palayaw ay maaaring hindi bawal sa mga alituntunin ngunit ito ay kuwestiyinable dahil ginagamit din itong slogan ng mga ahensiya ng gobyerno.
Mas mariin ang opinyon ng dating Comelec Commissioner na si Gregorio Larrazabal na nagsabing ang paggamit ng slogan ni Roxas at Robredo bilang kanilang palayaw sa balota ay maliwanag na paglabag sa Omnibus Election Code (OEC).
“Nang pumayag ang gobyerno na gamitin ng mga kandidato ang Daang Matuwid bilang bahagi ng kanilang pangalan sa balota, kasabay ng patuloy na paggamit nito sa lahat ng mga anunsiyo, media ads, tarpaulin at iba pa sa kasagsagan ng kampanya, lumabag at patuloy pang lumalabag ang gobyerno sa batas panghalalan,” paliwanag ni Larrazabal.
Aniya, “ang gobyerno o ang mga opisyal at kawani nito ay maaaring gumagawa ng bagay na ipinagbabawal ng OEC, na nagpapataw ng kaugnay na parusa sa hayagan at patagong paggamit ng pampublikong pondo, direkta man o hindi, sa kahit na anong kampanyang panghalalan o ano pa mang gawaing politikal.”
Batid umano ni Roxas at Robredo na maaaring nilalabag nila ang batas panghalalan ngunit, ayon kay Escudero, itinuloy pa rin nilang gawin ito dahil alam nilang hindi sila paparusahan ng Comelec.
“Ang integridad ay hindi paggawa ng mali kahit na alam mong hindi ka mapaparusahan kapag ginawa mo ito. Alam ni Mar at Leni walang kayang magpataw ng parusa sa kanila dahil kakampi nila ang administrasyon at ipinangangalandakan nilang sila ay disente. Kaya malakas ang loob nilang gawin ito.”