Duterte plunderer (Dapat sampahan ng kaso)
Hataw News Team
May 7, 2016
News
BINIRA ng Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) ang talamak na pagnanakaw sa pondo ng bayan ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte habang pinuri ang katapangan ni vice presidential candidate at Senador Antonio Trillanes IV na nagsampa ng kasong plunder laban sa sinasabing crimebuster at nagpapanggap na makabayan mula Mindanao.
Ayon kay 4K General Secretary Rodel Pineda, dapat nang tumigil si Duterte sa pagkukunwaring mahal niya ang bayang Filipinas kung patuloy niya namang uubusin ang kaban ng bayan.
“Masyado nang madrama ang pinaggagagawa ng alkalde na mahal niya ang Filipinas sabay halik pa sa ating watawat kada matatapos ang kanyang talumpati sa harapan ng mga tagasuporta niya. Paano niya nasisikmurang halikan ang watawat ng Filipinas na marami nang nagbuwis ng buhay upang makamit ang tunay na kalayaan kung ipagpapatuloy naman ni Digong ang pangungulimbat sa kaban ng bayan?” galit na ipinahayag ni Pineda.
Kinatigan ng 4K secretary general ang pormal na pagsampa ng plunder case laban kay Duterte ni Trillanes noong Huwebes, Mayo 5 bunsod ng mahigit sa P2.4 bilyong halaga ng hidden wealth sa pangalan ng Davao City mayor at anak na si Sarah “Inday” Duterte sa Bank of the Philippine Islands (BPI) Julia Vargas Branch sa Pasig City.
Ibinulgar din ni Trillanes ang isa pang iskema na nandaya si Duterte sa pagkukunwaring mayroon siyang mahigit sa 11,000 contractual workers noong 2014.
“Mahirap na ‘atang tanggapin ng taumbayan na napakaraming ghost employee ni Duterte base sa ipinakitang 2015 Commission on Audit (COA) report ni Trillanes.
Pinalalabas ni Digong na nagbayad ang Davao City Hall ng P708 milyon bilang pasuweldo sa mga sinasabing empleyado pero paano mangyayari iyon? Mismong COA ang nagsabi na walang kasamang dokumento sina Duterte para mapatunayang may mga nagtrabaho nga sa kanila na ganoon karaming tao,” naiiling na sinabi ni Pineda.
Bukod sa kasong plunder, nagsampa rin si Trillanes ng kasong malversation of public funds and violation of the Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
“Dapat nang magpakatotoo si Duterte. Huwag na siyang gumaya kay Binay. Alalahanin ni Digong na sa panahon ng internet at social media, matatalino na ang mamamayang Filipino at hindi basta-basta mabobola sa pamamagitan ng huwad na pagpapakita ng ugaling makabayan,” paghahamon ni Pineda.