Caloocan solid kay Oca
Hataw News Team
May 7, 2016
News
SABAY-SABAY na nagpahayag ngayon ng kanilang masigasig na suporta ang mga pinuno ng iba’t ibang malalaking samahan sa Caloocan City at nangakong iboboto ng 90% ng kanilang miyembro si Mayor Oscar “Oca” Malapitan.
Ayon kay Marilyn De Jesus, hepe ng Office of Senior Citizens Affairs, wala pang Federation of Senior Citizens Associations of Caloocan City kaya’t inikot niya lahat ng senior citizens association sa bawat barangay bago ang kampanya.
Sa 93,000 lolo at lola sa lungsod, 90% ang boboto kay Mayor Oca dahil sa kanyang administrasyon umulan ng biyaya para sa matatanda gaya ng birthday gift packs na siniraan ni Recom dahil wala siyang naibigay noon, ang libreng sine, libreng operasyon sa katarata, libreng gamot, libreng wheelchair, saklay at tungkod, P5,000 burial assistance, at marami pang iba.
Ayon kay Manuel Aldana, Presidente ng Caloocan TODA (Tricycle Operators and Drivers Association) Federation, 95% sa 15,000 miyembro ng TODA ay suportado si Mayor Oca dahil isinaayos niya ang mga terminal at napaluwag at napailawan ang maraming kalsada sa lungsod.
Sinabi ng isang opisyal ng Filipino-Chinese Businessmen’s Association ng Caloocan na halos 100% ng mga negosyanteng Chinoy ay sumusuporta kay Mayor Oca dahil sa kanyang administrasyon lamang nag-boom ang ekonomiya ng lungsod bunga ng magagandang pagbabago sa infrastructure, pagbaba ng krimen, umayos ang trapiko at dumami ang oportunidad sa pagnenegosyo.”
Sinegundahan ito ng presidente ng Caloocan Manufacturers’ Association na mahigit 90% sa kanilang grupo ay para kay Mayor Oca, maging ang libo-libo nilang mga empleyado, dahil sa ipinakitang sipag at malasakit ng mayor sa kanilang lungsod.
Nagpahayag din ng pursigidong pagsuporta kay Mayor Oca ang mga pinuno ng Caloocan vendors’ association, homeowners association, public utility jeepneys association, University of Caloocan City Student Council, youth and sports associations, transport groups, women’s organizations, persons with disability (PWD) associations at iba pang socio-civic groups.
“Hindi nakapagtataka na pumalo sa 69% percent (ACE April survey) ang mga boboto kay Mayor Oca dahil sa ipinakita niyang mahusay na trabaho, gaya ng mga bagong parke, bagong school buildings, maliwanag na mga kalsada, mababang kriminalidad, maayos na pamamahala at malasakit sa mga nangangailangan,” ang nagkakaisang pahayag ng mga pangulo ng bawat organisasyon.
Matatandaan na inihayag kamakalawa ng isang political analyst ng Ateneo de Manila University na hindi na matitinag pa ang lamang ni Mayor Oca sa surveys, kapag isinakatuparan ng mga botante sa kanilang balota sa May 9.
Ang tinutukoy na surveys ay: Actual and Comprehensive Evaluators (ACE) survey noong Abril 2016 na nakakuha ng 69.2% si Mayor Oca samantala 24.8 lang si Enrico “Recom” Echiverri; Probe Data Processing & Research Services survey noong Marso 2016 na 65.8% respondents ang nagsabing si Mayor Oca ang kanilang iboboto kung eleksiyon na, samantala 27% lang ang nakuha ni Recom; Social Weather Stations (SWS) survey noong Enero 30 – Pebrero 02, 2016 na 67% ang pumabor kay Mayor Oca samantala 27% kay Recom; at isa pang SWS survey noong Disyembre 2015, na 64% ang maagang nagdesisyon para kay Mayor Oca samantala 26% lang kay Recom.
Ibig sabihin, 483,000 votes ang makukuha ni Mayor Oca o mahigit 40% (280,000 votes) na inilamang niya laban kay Recom, isang landslide victory kung ibabatay sa 700,000 botante ng Caloocan.